Bayad Source: PNA

Gobyerno aakuin bayarin sa pampublikong ospital

Chona Yu Sep 13, 2024
70 Views

MAY regalong handog si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga pasyente na nagpapagamot sa mga pampublikong ospital.

Ito ay dahil sa aakuin na ng gobyerno ang bayarin.

Sa mensahe ni Pangulong Marcos sa paglulunsad ng “Agri-Puhunan at Pantawid Program” sa Guimba, Nueva Ecija, regalo niya sa taong bayan sa kanyang ika-67 na kaarawan sa pamamagitan ng “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat para sa Lahat” program.

Sinabi ni Pangulong Marcos na nais ng gobyerno na sagutin ang lahat ng medikal na pangangailangan ng mga taong naka confined at sumasailalim sa gamutan sa mga pampublikong ospital sa bansa..

“Kaya po sa araw na ito, sasagutin po natin ang lahat ng bayarin ng mga pasyente sa lahat ng pampublikong Level 3 hospital sa bansa katulad ng Dr. Paulino Garcia Memorial Hospital dito sa inyo,” sinabi pa ni Pangulong Marcos

Para matupad ang pangako ng Pangulo, maglalabas ang Department of Health (DOH) ng P328 milyon sa may 22 tertiary hospitals sa buong bansa para tugunan ang gastusin ng mga pasyente.

Kabilang sa mga tertiary hospitals sa Metro Manila ang Philippine General Hospitals (PGH); Philippine Orthopedic Center; Philippine Heart Center; Philippine Childrens Medical Center (PCMC); National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ; Lung Center of the Philippines; Jose R. Reyes Memorial Hospital at East Avenue Medical Center.

Ang “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat para sa Lahat” program ay inilunsad nitong biyernes na sabay-sabay na distribusyon ng tulong ng gobyerno sa may 82 lalawigan sa bansa katuwang ang ibat-ibang ahensiya ng gobyerno para mapabuti ang buhay ng mga Filipino.