Caunan

Gobyerno aayudahan mga Pinoy na nawalan ng trabaho sa NZ

Chona Yu Jan 13, 2024
196 Views

MAY ibibigay na ayuda ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga overseas Filipino workers na nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng ELE group of companies sa New Zealand.

Ayon sa pahayag ng Presidential Communications Office, sinabi ni Department of Migrant Workers Undersecretary for Policy and International Cooperation Patricia Yvonne Caunan, nakikipag-ugnayan na ang kanilang hanay ngayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

“Sa New Zealand po nagkaroon po ng hindi masyadong magandang sitwasyon doon at na-report po sa atin na mayroon isang kumpanya, ito po iyong ELE Holdings na mayroon po silang mga 900 na trabahador halos more than 300 po ay mga Filipino, nag-declare po silang bankrupt,” pahayag ni Caunan.

“Ang Department of Migrant Workers po sa pagtutulungan with Department of Foreign Affairs ay nagpaabot na ng tulong sa unang batch po ng mga apektadong OFWs,” sabi ni Caunan.

Nasa 340 OFWs ang makatatanggap ng pimansyal na ayuda.

Hindi naman tinukoy ni Caunan kung magkanong halaga ang matatanggap ng mga OFWS.