Calendar
Source: DENR
Gobyerno, private sector nagtulong para Navotas Landfill sunog maapula
SA pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor, napabilis ang pag-apula ng sunog sa Navotas Landfill na nagdulot ng toxic emission at nakaapekto sa kalusugan ng mga residente sa Navotas at mga kalapit na siyudad.
Nauna nang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Linggo, May 10, na tuluyan nang naapula ang sunog sa landfill matapos niyang ipag-utos ang mabilis na aksyon mula sa pamahalaan.
Ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez, iniutos ni Pangulong Marcos ang pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan para mabilis maapula ang apoy na tumagal ng isang buwan.
“Sa mga ganitong problema, napapadali ang solusyon kung lahat po—ang pamahalaang nasyunal, kasama na rin ang lokal na pamahalaan ay may inisyatibo at magtutulungan. Ito po’y talagang magandang ehemplo ng whole-of-government approach,” sinabi ni Secretary Lopez habang nag-i-inspeksyon sa Navotas Landfill kasama sina Public Works and Highways Secretary Vince Dizon at Environment and Natural Resources Secretary Juan Miguel Cuna.
Kasama rin ng Kalihim na nag-inspeksyon sina Japanese Ambassador to the Philippines Endo Kazuya, Navotas City Mayor John Rey Tiangco, Metro Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III, at San Miguel Corporation (SMC) Chairman at Chief Executive Officer Ramon Ang.
Upang mapabilis lalo ang pag-apula sa apoy, nagpadala ng lupa at debris mula sa ginagawang Metro Manila Subway Project ang Department of Transportation (DOTr) para matabunan ang nasusunog na landfill at mapigilan ang pagbaba ng air quality sa Metro Manila.
Binigyang diin din ni Secretary Lopez ang malaking tulong mula sa pribadong sektor, kasama na ang SMC para agad maapula ang apoy.
“Hindi po ito kakayanin lang ng gobyerno, kung wala pong tulong ang pribadong sektor din po. Kung mapapansin niyo ang SMC at si Mr. [Ramon] Ang, ay talagang lahat ng volunteerism at initiatives ay ginawa niya para rito. Tulad ng sabi ng ating Pangulo, kung tayo po ay magtutulungan ay maaayos natin ang ganitong problema,” ayon kay Secretary Lopez.
Sang-ayon dito si DPWH Secretary Dizon.
“Sabi nga po ng Pangulo na nagtulong-tulong po lahat, para talagang maapula natin ng mabilis itong napakalaking sunog na nangyari. At kita nyo naman ngayon, klaro na, wala ng usok. Dati hindi natin makita yung Obando, ngayon nakikita na natin ang Valenzuela. Kaya nagpapasalamat po tayong lahat. On behalf of the President, we just want to thank everybody,” ani Sec. Dizon.
Patuloy namang imo-monitor ng DENR ang kalagayan ng landfill at ang air quality sa lugar para matiyak na ligtas ang mga residente sa Navotas at mga kalapit na lugar upang makabalik na sila sa normal nilang pamumuhay.
“We’ll continue to monitor the landfill dahil yung rehabilitation po kailangan ituloy po yan. At yung air quality we’ll continue to monitor. For the last week, maganda na po ang readings hanggang sa may Obando,” ayon kay Sec. Cuna.
Sinabi ni Ambassador Endo Kazuya na ang pagpapadala ng Japan ng technical at relief team ay patunay ng matatag na pagkakaibigan ng Pilipinas at Japan, lalo na pagdating sa mga proyektong magpapaunlad sa buhay ng mga Pilipino.
“I am very happy to hear that the technical assistance provided by Japan—the relief team and experts have been very useful. Kasama niyo kami. Japan hopes to remain a valuable partner to stand by the Philippines,” ayon kay Ambassador Endo Kazuya.
Buo naman ang suporta ng pribadong sektor sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng diesel, libreng 5,000 toneladang panambak kada barge at mga heavy equipment para sa agarang pag-apula ng apoy.
“Lahat tayo nagtulong-tulong dito para masolve itong problemang ito kasi grabeng calamity ito di ba. Napansin niyo ang bilis na-solve ‘yung problema kasi lahat tayo nagtulong-tulong,” ayon kay SMC Chairman Ramon Ang. Nina EDD REYES & JUN I. LEGASPI
