Bataan Bataan governor Joet S Garcia.

Gov. Garcia tiniyak bawat Bataeno makakatanggap ng de kalidad na serbisyong medikal

Christian Supnad May 21, 2025
20 Views

BATAAN — Sa pamumuno ni Gov. Joet S. Garcia, isinusulong ng Bataan ang serbisyong de-kalidad na serbisyong medikal.

Sa ginanap na pulong ng provincial health board noong Martes, tinalakay nina Garcia ang mga huling kaganapan at mga susunod na hakbang “upang matiyak na bawat Bataeño ay makatatanggap nang maayos at de-kalidad na serbisyong medikal.”

Ilan sa mga tinalakay ng grupo, anang gobernador, “ay ang estado ng mga pasilidad ng ating mga district hospitals at rural health units sa lalawigan. Pinaghahandaan na rin po ang mga kinakailangang proseso para sa implementasyon ng e-claims system.”

Samantala, sinabi ni Garcia na “patuloy po ang mahigpit na pagbabantay sa mga kaso ng maternal mortality. Kaya naman ibinahagi rin ang mga best practices sa monitoring at tracking ng mga nagdadalang tao upang matiyak ang kaligtasan ng ina at sanggol.”

“Nagbigay rin po tayo ng mga pinakahuling ulat sa Barangay Health Workers (BHW) at Barangay Health Volunteers (BHV) kaugnay ng kanilang profiling, mga serbisyong ibinibigay sa bawat household, kabilang na ang iskedyul ng pagbabakuna at iba pang programa at serbisyo,” sabi ng ama ng lalawigan.

Ipinakita rin nila ang kasalukuyang estado ng ginagawang Morong District Hospital sa Brgy. Sabang sa bayan ng Morong.

“Simula pa lamang po ito ng ating mga programa upang mas mailapit sa ating mga kababayan sa Morong ang mga serbisyong medikal,” dagdag pa ng gobernador.