Trike

Gov’t hiniling pag-isipan din kung paano matulungan mga tricycle driver na walang prangkisa

352 Views

HINILING ni Partido Reporma presidential candidate Ping Lacson sa mga ahensya ng pamahalaan na nangangasiwa sa pamamahagi ng ayuda sa public utility vehicles (PUVs) na resolbahin ang mga isyu, lalo na sa mga pumapasadang kolorum at mga operator na nais ding makakuha ng fuel subsidy.

Ito ang idinulog na problema ng mga lider at miyembro ng tricycle operators and drivers’ association (TODA) na nakausap ni Lacson sa kanyang pagdalaw sa bayan ng Sanchez Mira, gayundin sa Tuguegarao City sa lalawigan ng Cagayan nitong Martes.

Nalaman ni Lacson mula sa mga dumalo sa town hall meeting na isa sa problema ng mga TODA ay ang iba nilang mga kasamahan na walang prangkisa na gustong makatanggap ng fuel subsidy, lalo ngayong tumataas ang presyo ng langis.

Ayon sa presidential candidate, hindi maaaring makatanggap ng subsidiya mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga kolorum dahil paglabag na agad ito sa batas. Pero batid din niya ang reklamo ng maraming tricycle driver na napipilitang mamasada kahit walang prangkisa dahil sa mahirap na prosesong kailangang pagdaanan para makakuha nito.

“‘Yan ang mga detalye na dapat i-resolve. Sa akin, sa ngayon, napaka-importante lang muna malaman niyo na mayroong P5-bilyon na kasali kayo,” pahayag ni Lacson sa harap ng mga tricycle driver sa Sanchez Mira.

Nanawagan din si Lacson sa LTFRB at sa mga local government unit (LGU) na tutukan ang pamamahagi ng mga subsidiya upang matanggap ito ng mga nangangailangang tsuper.
Nauunawaan din umano ni Lacson na kailangang maghigpit ng mga LGU sa pagbibigay ng prangkisa para hindi maging sobra-sobra ang mga pumapasadang tricycle sa kanilang nasasakupan.

Gayunman, dapat din umanong makaisip ng paraan para mabigyan ng kabuhayan ang mga kolorum sa kanilang lungsod.

“’Yon ang problema. Kailangan ma-resolve ‘yan with the local government unit concerned,” ani pa ni Lacson