bro marianito

Gugustuhin mo bang mapahamak ang iyong kapuwa para lamang sa iyong pansariling interes? (Juan 11:45-56)

204 Views

“Ang ayaw magpasan ng sarili niyang Krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging Alagad ko”. (Lucas 14:27)

ANG Krus ay tanda ng sakripisyo katulad mismo ng naging sakripisyo ng ating Panginoong HesuKristo. Isinakripisyo ni Hesus ang kaniyang sariling buhay para lamang iligtas at tubusin tayo sa ating mga kasalanan. Tiniis niya ang lahat ng hirap para sa ating kaligtasan.

Ang Krus ay tanda rin ng nag-uumapaw at hindi matatawarang pag-ibig ng Panginoong Diyos para sa atin. Sapagkat sinasabi sa Sulat ni San Juan na “Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatuhan kaya’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na anak”. (Juan 3:16)

Kaya’t ang hamon sa atin ngayon ng Mabuting Balita (Lucas 14:25-33) ay kung nakahanda rin ba tayong magpasan ng ating sariling Krus para sumunod kay Hesus at nakahanda rin ba tayong talikuran ang lahat upng maging Alagad ng Panginoon.

Hindi literal ang ibig ipakahulugan ni Kristo nang wikain niya na “Hindi maaaring maging Alagad ko ang sinomang umiibig sa kaniyang ama at ina, asawa at at mga anak, mga kapatid maging sa sarili niyang buhay nang higit pa sa akin”. (Lucas 12:26)

Ang nais lamang sabihin dito ng ating Panginoong Hesus ay kung nais nating pasanin ang sarili nating Krus at sumunod sa kaniya bilang mga Alagad. Kailangan ay mas nangingibabaw ang pag-ibig natin sa kaniya ng higit sa pagmamahal natin sa ating sariling pamilya.

Ang pagiging isang Alagad ni Hesus ay hindi madali o isang tinatawag na “walk in the park” na ang ibig sabihin ay para ka lamang naglilibang. Kaya nga sinasabi ng Panginoon sa Ebanghelyo na ang maaari lamang maging Alagad niya ay iyong nakahandang magpasan ng kaniyang Krus.

Nakahanda ba tayong magtiis ng hirap alang-alang kay Hesus? Nakahanda ba tayong ibigay ang ating oras at panahon alang-alang sa paglilingod natin sa Diyos at nakahanda rin ba tayong iwan ang isang komportableng buhay para lamang tularan ang ehemplo ni Kristo?

Ngayong araw ay September 8, ito ang kaarawan ng Mahal na Birheng Maria, ang ina ng Panginoong Hesus. Ito rin ang araw at anibersaryo kung saan una akong nagsilbi bilang isang Lay Minister sa Santo Domingo Church siyam na taon na ang nakakaraan (September 08, 2013).

Ang akala ko noon na kapag ikaw ay naglilingkod na sa Panginoon ay hindi ka na makakaranas ng problema at paghihirap. Mali pala, kapag ikaw ay isang lingkod ng Diyos mas lalo ka pa lang mahaharap sa mga problema at matinding pagsubok sa buhay.

Kapag ikaw ay naglilingkod kay Hesus mas lalo ka pa lang mahaharap sa mga pagsubok, hindi lamang isang beses kundi napakaraming beses na halos gusto mo ng sumuko. Pero ang napapatatag na lamang sayo ay ang pananalig at katapatan mo sa Panginoong Diyos.

Kamakailan lamang, napaka-bigat ng Krus na pinasan ko sa pamamagitan ng isang matinding problema na halos gusto ko ng sumuko. Problemadong-problemado ako kung saan ako kukuha ng pera para mapag-aral ko ang aking bunsong anak.

Kung sino-sinong mga kaibigan ang nilapitan ko para lamang mangutang, manlimos at maki-usap na kung maaari sana ay tulungan nila ako sa problemang kinakaharap at pinagdadadanan ko. Tanging panlangin na lamang ang kinakapitan ko at ang malalim na pananampalataya ko sa Mahal na Birhen ng La Naval ang sinasandalan ko.

Ramdam na ramdam ko ang bigat ng Krus na pasan ko sa aking balikat. May mga pagkakataon na mistulang inuudyukan pa ako ng “kalaban” (devil) na sumuko na ako at wala ng mangyayari sa buhay ko. Subalit sinikap kong magpakatatag at nanatiling tapat sa Diyos.

Dinagdagan pa ang problema ko nang matalo ang pinagkukuhanan ko ng hanapbuhay na si dating Quezon City Cong. Onyx Crisologo bilang isang Media consultant. Dahil natalo si Onyx sa aktor na si Arjo Atayde sa pagka-kongresista, ang ibig sabihin lang nito ay mawawalan na ako ng trabaho at pinagkukuhanan ng ikinabubuhay namin.

Mabuti na lang at hindi pa rin ako pinababayaan ng Panginoon at ng Mahal na Birhen ng La Naval dahil ginamit niyang instrumento ang aking matalik na kaibigan (Ryan Ponce Pacpaco) para ako’y unti-unting makabangon sa aking matinding problema.

Itinuturo lamang sa atin ngayon ng Pagbasa na hindi madali ang pagsunod kay Hesus. Sapagkat kung sino pa ang mas malapit at naglilingod sa Diyos ay iyon pa nga ang pinuputakti ng samu’t-saring problema. Pero susuko ba tayo? Tandaan lamang natin na hinding-hindi pababayaan ng Diyos ang mga taong tapat na naglilingkod sa kaniya.

Ako na mismo ang magpapatotoo na sa kabila ng mga matitindi at mabibigat na problemang pinagdaanan ko sa buhay tulad ng isang mabigat na Krus. Hindi ako pinabayaan at iniwan ng Diyos lalong lalo na ang Mahal na Birhen ng La Naval. Alam na alam iyan ng aking matalik na kaibigan na si Ryan Ponce Pacpaco.

Siyam na taon na akong naglilingkod sa ating Panginoon. Sa loob ng mga panahong ito, hindi mabibilang kung ilan beses akong nakaranas ng mga matitinding problema. Ang maipapayo ko lang. Huwag tayong sumuko, laban lang. Kasi hindi tayo pababayan ng Panginoong Diyos.