Hagedorn

Hagedorn prayoridad ngayong 2023 pagsasaka sa Palawan

Mar Rodriguez Jan 3, 2023
233 Views

TUTUTUKAN ng isang Palawan congressman ang pagsasaka sa kanilang lalawigan bilang prayoridad nito ngayong 2023. Ito ay sa pamamagitan ng pagpapa-unlad sa kabuhayan ng mga magsasaka at gawing “Agricultural Eco-Tourism Site” ang bayan ng Aborlan.

Sinabi ni Palawan 3rd Dist. Cong. Edward S. Hagedorn na ang mga magsasaka sa bayan ng Aborlan ang kaniyang prayoridad sa pagpasok ng bagong taon sapagkat nais nitong mabigyan sila ng magandang kabuhayan.

Ayon kay Hagedorn, kabilang din sa mga magandang plano niya ngayong taon ay ang pagsusulong upang maging isang “Agricultural Eco-Tourism Site” ang bayan ng Aborlan sa Palawan na inaasahang makakatulong ng malaki para sa paglago ng ekonomiya ng kanilang lalawigan.

Inihayag din ni Hagedorn na isa rin sa mga programang tinututukan nito ay ang PUNLA o “Pag-asa Umasenso ang Lahat” na naglalayong makinabang ang tinatayang 29 asosasyon ng mga magsasaka o “farmer’s association upang maging ganap na kooperatiba ang kanilang grupo sa ilalim ng Strategic Environment Plan (SEP) program.

Ipinaliwanag din ng kongresista na nais nitong simulan ngayong taon na matulungan agad ang bayan ng Aborlan. Kabilang dito ang pagkakaloob ng hanap-buhay sa mga kaawa-awang magsasaka at ang pagdedeklara sa nasabing bayan bilang “Agricultural Eco-Tourism Site”.

Kasabay din nito, naglaan na umano ng pondo na umaabot sa ₱17.1 milyon na ipagkakaloob ng RSEP sa pamamagitan ni Hagedorn para sa budget ng mga magsasaka ngayong taon upang mapakinabangan ng mga magsasaka ang rice processing na may kakayanang gawin ang bigas na high quality o International Standard Rice.