PCSO

2 hati sa P142.5M jackpot ng Grand Lotto 6/55

114 Views

Dalawang mananaya ang maghahati sa P142.5 milyong jackpot prize ng Grand Lotto 6/55 na binola noong gabi ng Sabado, Enero 7.

Ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mga nanalo ay tumaya sa Calamba City sa Laguna, at Cagayan de Oro City sa Misamis Oriental.

Dalawa ang nakakuha ng winning number combination na 44-13-19-33-27-39.

Nanalo naman ng tig-P100,000 ang 34 mananaya na nakakuha ng lima sa anim na numerong lumabas.

Tig-P1,500 naman ang tinamaan ng 1,244 na nakaapat na numero at tig-P60 naman ang 26,385 mananaya na nakatatlong numero.

Ang mga nanalo ay mayroong isang taon para kunin ang kanilang premyo. Ang premyo na mahigit P10,000 ay pinapatawan ng 20 porsyentong buwis.