Pulong

Hamon ng Young Guns kay Pulong: Dumalo, ipagtanggol mandatory random drug test bill

55 Views

HINAMON ng mga lider ng Young Guns ng Kamara de Representantes si Davao City 1st district Rep. Paolo “Pulong” Duterte na dumalo sa pagdinig ng komite at plenaryo upang maipagtanggol ang panukala nitong mandatory random drug testing para sa lahat ng opisyal ng pamahalaan.

Sinabi ni House Deputy Majority Leader at PBA Party-list Rep. Margarita “Atty. Migs” Nograles, na karapatan ni Duterte na maghain ng panukala subalit marapat din lamang na siya mismo ang magtanggol nito sa komite at plenaryo at hindi ang ipasa ang gawain sa ibang kongresista.

“If you are the author of a bill, you really have to show up, defend it, and explain why you want it to pass—first to the committee members, and then in plenary for the majority of the House members to support it. So, kailangan talagang pumasok, pumunta doon, at idepensa ang bill to the best way that a legislator can,” ani Nograles sa isang press conference.

Kinikilala rin ni Assistant Majority Leader at Taguig City 2nd District Rep. Amparo Maria “Pammy” Zamora, ang magandang layunin ng panukalang batas ni Duterte, at interes na makita itong aktibong lumahok sa proseso ng paggawa ng batas.

“Mas excited po kami na makasama siya sa committee hearings,” ayon kay Zamora, na sinabi ring hindi niya regular na nakikita si Rep. Duterte sa mga pagdinig ng mga komite at deliberasyon sa plenaryo.

“Excited talaga ako kasi siguro hindi ko lang siya nakakasabay sa mga hearing,” tugon pa ng mambabatas ng tanungin kung nakita na niya sa mga pagdinig sa Kamara.

Inaabangan din ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez na dumalo si Duterte sa mga pagdinig.

“We’re excited to see our esteemed colleague attend the hearings and defend this bill,” ayon kay Gutierrez.

Ang mga naging pahayag ng mga mambabatas ay indikasyon na madalas lumiliban ang panganay na anak ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pagdinig ng Kamara at sesyon ng plenaryo.

Nagkabiruan din ang mga mambabatas ng tanungin ng media kung kailan nakita si Duterte sa Kamara.

Sinabi ni Zamora na maaaring hindi niya ito nakikita dahil sa magkaibang assignments ng komite, habang ibinalik naman ni Nograles ang tanong sa mga mamamahayag, kung nakita ba nila si Duterte sa lugar.

“Personally, I haven’t seen him here nor in Davao,” pangiting sinabi ni Nograles, “gusto ko nga sana eh.”

Sinabi ni Davao Oriental 2nd District Rep. Cheeno Almario na minsan niyang nakita si Duterte isang beses, ilang buwan na ang nakalipas, sa isang sesyon ng plenaryo, subalit hindi maaala kung muli itong dumalo sa nga nakaraang pagdinig.

“I’d seen him once, and I shook hands with him a few months ago, just once,” ayon kay Almario, na binanggit rin na sa nakaraang State of the Nation Address of President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., na may ibang nakaupo sa upuan ni Duterte, na nakalaan sa isang dating kongresista.