PVL Maaksyong tagpo sa sagupaan ng Cignal at PetroGazz sa PVL Open. PVL.photo

HD Spikers abot kamay ang finals

Theodore Jurado Apr 2, 2022
293 Views

MULA sa isang koponan na nanalo lamang ng isang beses sa Ilocos Norte bubble noong nakaraang taon, nasa bingit na ang Cignal HD na makapasok sa pinakamalaking stage ng PVL Open Conference.

Winalis ng HD Spikers ang PetroGazz, 25-21, 25-23, 25-23, upang makauna sa best-of-three semifinals sa dinagsang jampacked Filoil Flying V Centre kahapon.

Naghahabol ng dalawang puntos, bumira sina Ria Meneses at Rachel Anne Daquis ng magkakasunod na hits upang makatabla ang Cignal sa 23-23.

Ang krusyal na block ni Meneses kay Angels’ open spiker Grethcel Soltones ay siyang nagbigay ng kalamangan para sa HD Spikers, bago isinara ni Angeli Araneta ang laro sa pamamagitan ng isang kill.

Tatangkain ng Cignal HD na tuldukan ang serye at makuha ang unang championship appearance sa now-professional league sa Game 2 sa alas-6 ng gabi bukas sa mas malaking venue, ang Mall of Asia Arena, upang makapasok ang iba pang fans.

Ang Game 3, kung kinakailangan, ay lalaruin sa parehong Pasay venue.

“I was very happy (for the win) and at the same time I enjoyed the game, ‘grabe yung labanan, ayaw magpatalo ng bawat isa,'” sabi coach Shaq delos Santos.

“It’s all about experience,” aniya.

Isang malaking puwersa si Meneses, na isa sa mga key off-season acquisitions ng HD Spikers, sa frontline na may tatlong blocks upang tumapos na may 14 points.

Ginulantang rin ni Roselyn Doria, ang katuwang ni Meneses sa middle, ang attacking game ng PetroGazz sa pagtala ng tatlong blocks upang magbigay ng 10 points.

Nagdagdag si Daquis ng 11 points at four receptions, naging solido rin si Ces Molina para sa Cignal HD na may 10 points at 10 digs habang nagbato si setter Gel Cayuna ng 32 excellent sets at tumirada ng tatlong service aces.

Nanguna si Aiza Maizo-Pontillas para sa Angels na may 14 points, 12 digs at anim na receptions habang nagdagdag si Soltones ng 11 markers.

Samantala, tumipa si Royse Tubino ng 24 points, 16 receptions at walong digs nang umangat ang Black Mamba-Army sa classification phase ladder matapos ang 25-22, 25-21, 27-25 pagdispatsa sa BaliPure.

Umiskor si Janine Marciano ng 15 points at walong receptions para sa Water Defenders, na tinapos ang kanilang stint sa ika-siyam na puwesto.