Doc-Ted-Herbosa

Health at Wellness: Hindi Sakit, kundi Kalusugan

Dr. Ted Herbosa Apr 4, 2022
360 Views

NITONG nakaraan na araw, ako ay naimbitahan sa isang forum na pinamagatan na “Health and Wellness.”

Isa itong webinar na inorganisa ng “Alliance of Peoples’ Organizations.” Ito ay ginanap sa Treston International College sa Bonifacio Global City kamakailan. Ako ang na-irekomenda ng aking kaibigan na si Dr. Jerry Genuino ng GentriMed sa Trece Martires, Cavite. Salamat din kay Ramon Gelverson sa kanyang paanyaya. Nandoon sa webinar ang sektor ng mga manggagawa, ang media, and mga akademiko, politico, at marami pang iba. Naipalabas live ang webinar sa DWIZ at Facebook. Ang naging host namin ay si Cong. Jonathan De La Cruz. Maraming doktor ang nagbigay ng kanilang reaksyon sa aking mga ideya. Nandoon rin sina Dr. JR Degrano ng Private Hospital Association of the Philippines, Dr. Iggy Agbayani ng CDCPh (Concerned Doctors and Citizens of the Philippines), Dr. Jerry Genuino, Dr. Woonchai at Dra. Peralta ng UST Medicine & Surgery.

Sa webinar na ito ay nagbalik tanaw ako sa pandemya at ang ating mga ginawa para ito ay ma-overcome, at sana’y naman ay matapos na. Ang naging mahalaga sa ating laban kontra sa COVID-19 ay namulat ang ating mga opisyal, mamamayan at mga pribadong tao na malaking halaga ang kalusugan o sistema ng kalusugan sa isang bansa.

Sa aking pananaw ay may tatlong mahalang panukat sa antas ang pag-unlad ng isang bansa. Una ay ang Edukasyon o antas ng napag-aralan ng health workers dito ng isang sambayanan. Pangalawa ay ang kalusugan ng mga citizens ng isang bansa. At ang pangatlo ay ang kapasidad na kumita ng pera at kabuhayan ng mga mamamayan dito. Ang tatlong ito ay tinatawag ng ating mga ekonomista na Human Development Index o HDI ng isang bansa. Mariin kong sinabi na itong tatlong ito ang mga dapat pagtuntunan ang halaga ng susunod na Pangulo ng Pilipinas.

Tinalakay at pinaliwanag ko ang kasaysayan ng kalusugan o sistema ng kalusugan, ang kagawaran, ang mga ospital, at mga health workers dito. Lumutang ng husto ang malalaking problem sa sistema ng kalusugan sa ating bansa dahil sa pandemya ng COVID-19. Dahil dito tumaas ang opinion ng marami tungkol sa kalusugan ng ating bansa at ang ating pamamahala dito.

Sa aking maikling talumpati doon sa webinar ay pinaliwanag ko na ang mga nakaraang administrasyon ay masyadong tumutok sa sakit at kung papaano ito gamutin gamit ang mga makabagong pamamaraan. Dahil sa hirap ng marami sa ating mga kababayan, marami sa kanila ay nagkakasakit at namamatay na hindi man lamang nabigyan ng sapat na lunas, gamot o pag aruga ng mga dalubhasang doktor.

Sinabi ko na hindi lang lagi sakit o illness ang ating dapat pagkagastuhan ngunit malahaga din ang Health and Wellness ng pisikal at mental na kalusugan. Dahil dito mariin kong sinabi na hindi lang ang pamahalaan ang may ambag sa ating kalusugan ngunit bawat isa sa atin ay dapat din pangalagaan ang ating lusog ng katawan at tamang pag-iisip. Ipinaliwag ko na ang Universal Health Care or UHC na nataguriang Kalusugan Pangkalatan ay ating matatamo sa ating mga bahay, komunidad, paaralan at sa trabaho at mga opisina. Dahil dito, nasabi ko na lahat tayo ay may ambag sa kalusugan. Pag sinabi mo na mag ehersisyo, dapat ay may mga parke na pwedeng gamiting ng mga mamamayan para magawa ito. Dapat ay may mga ligtas at malawak na sidewalk na pwedeng maglakad at mapanatili ang ating kalusugan. Dapat ay may sapat na bike lanes kung gusto nating ang mga mamamayan ay gumamit lagi ng bisekleta. Ganoon din sa ating mga tahanan, mahalaga na magluto at kumain ng maraming prutas at gulay sa ating mga tahanan. Huwag lagi instant noodles o di kaya fastfoods na mamantika! Ganoon din sa ating mga eskwela at mga opisina! Kung lahat ng Filipino ay malusog at walang sakit, hindi gagastos ang ating pamahalaan ng malaking halaga sa paggamot ng mga preventable na sakit!

Ang mahalagang alalahanin natin sa eleksyon na ito ay pumili tayo at humalal ng mga opisyal sa nasyonal, lokal, Kongreso at Senado ng mga opisyal na naiiintidihan ang mga patnubay sa kalusugan o Health and Wellness. Yan ang sabi ni Doc Ted.