Valeriano

Hinihinging taas sa taxi flagdown rate makatarungan — Valeriano

Mar Rodriguez Aug 24, 2023
202 Views

KUNG ang Chairman ng House Committee on Metro Manila Development ang tatanungin, naniniwala si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano na makatarungan o “justifiable” lamang ang hinihinging umento sa flag-down rate ng grupo ng mga taxi drivers sa Kalakhang Maynila.

Nauna rito, muling binuhay ng grupo ng mga taxi drivers ang kanilang panawagan o appeal sa pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magkaroon ng dagdag sa kanilang regular flag-down rate. Mula P40 ay hinihiling nilang maging P70 ito.

Ikinatuwiran ng mga taxi drivers na ang kanilang panawagan sa LTFRB ay dala na rin ng sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng gasolina. Ikinatuwiran ng nasabing grupo na kailangan umano nilang makabawi sapagkat halos kakarampot na lamang ang kanilang kinikita.

Ipinaliwanag naman ni dating Quezon City 4th Dist. Congressman Bong Suntay, presidente ng Philippine National Taxi Operators Association, na noong pa aniyang 2021 nila hinihiling sa LTFRB ang pagkakaroon ng increase sa flagdown rate subalit hanggang sa kasalukuyan ay naka-pending pa rin ito.

“In fact, yung apela na ‘yan, one year pending na yan dahil that was the original petition filed by the Philippine National Taxi Operators Association way back noong 2021,” ayon kay Suntay, dating kongresista.

Sinabi ni Valeriano na nararapat lamang na mabigyan ng dagdag sa flagdown rate ang grupo ng mga taxi drivers bunsod ng walang humpay at sunod-sunod na oil price na nakaka-apekto sa napakaraming driver ng pang-publikong sasakyan kabilang na ang taxi.

Binigyang diin ni Valeriano na kung tutuusin ay luging lugi ang mga taxi drivers kumpara sa mga GRAB drivers. Ito ay sapagkat mas malaki ang kinikita aniya ng huli kumpara sa kanila na matumal o madalang makakuha ng pasahero.

Ikinatuwiran ng kongresista na kung nagagawang pagbigyan ng LTFRB ang lahat ng hinihiling ng GRAB Philippines ay dapat din umano nitong pagbigyan ang kahilingan ng grupo ng mga taxi drivers para makabawi din sila sa kanilang malaking pagkalugi bunsod ng sunod-sunod na oil price increase.

“Okey lang na tumaas din naman ang kanilang flag-down rate. Dahil karamihan sa ating mga taxi drivers ay hirap na hirap na kumite lalo na ngayon at halos linggo-linggo yata eh’ tumataas ang presyo ng gasolina. Sana mabigyan naman sila ng konsiderasyon ng LTFRB,” ayon kay Valeriano.