Tumang

Hiniling ng House panel ang SALNs of Pampanga mayor kaugnay sa umano’y kuwestiyunableng transaksiyon

Mar Rodriguez Aug 3, 2023
190 Views

NAIS ng House committee on public accounts na mapasakamay ang statements of assets, liabilities and net worth (SALNs) ni Mexico, Pampanga Mayor Teddy Tumang kaugnay sa pagdinig sa umano’y kuwestiyunableng transaksiyon ng alkalde na nagkakahalaga ng P149 milyon.

Ipapatawag rin ng komite na pinamumunuan ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano ang apat na taong posibleng magbigay linaw sa mga isyu sa naging mga transaksiyin ni Tumang.

Sa nakaraang pagdinig nitong Miyerkules, sinabi ni Paduano na susulat siya sa Office of the Ombudsman upang humingi ng certified copies ng SALNs ni Tumang.

Ginawa ni Paduano ang pahayag nang hilingin ng ilang kongresista ang dokumento para alamin kung may kakayahan ang alkalde na i-reimburse ang ang munisipyo ng P43 milyon mula sa P89 milyong transakisyon na na-disallowed ng Commission on Audit (CoA) noong 2018.

Orihinal na umabot sa P149 milyon ang pina-disallow ng CoA na naibaba sa P89 milyon matapos ang apela ni Tumang at iba pang mga opisyal ng munisipyo.

Nalaman ng komite mula sa ingat-yaman ng munisipyo na nag-reimburse si Tumang at mga kasama sa kanyang munisipalidad ng P43 milyon noong Hulyo, Agosto, at Disyembre 2018.

Isang nagngangalang Dr. Roberto Tugade, isang supplier, ang nagbalik ng mahigit sa P1 milyon.

Hiniling naman ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel ang presensiya ni dating Mexico accountant Perlita Lagman sa susunod na pagdinig ng komite.

Nitong nakalipas na Miyerkules, ipinagpatuloy ng House panel ang motu proprio inquiry kaugnay sa umano’y iregularidad sa procurement process na pinasok ng Mexico, Pampanga na posibleng paglabag umano sa relevant auditing, procurement, at ibang alituntunin.

Bukod kay Lagman, nais ni Pimentel na marinig ang pahayag nina Rizalito Dizon, Tugade, at Eduardo Santiago na pawang may naging transaksiyon kay Tumang sa ulat ng CoA.

Sinabi ni Pimentel na makakatulong ang pag-imbita sa mga ito upang “enlighten the panel on the veracity of the report”.

Dumalo si Tumang sa pagdinig nitong nakalipas na Miyerkules matapos hindi makarating sa naunang hearing noong nakalipas na linggo.

“One of the findings of the audit investigation, item number six, 164 disbursement vouchers totaling P26,719,162.53 were processed and paid without the necessary approval by the municipal accountant in violation of Section 4 of PD (Presidential Decree) 1445 and Section 344 of the local government code,” giit ni Pimentel sa umano’y transaksiyon ni Tumang.

“In spite of the fact of the non-signature of the municipal accountant, the municipality of Mexico proceeded with the issuance of check. This is a clear violation [of whatever] accounting rules and
regulations…of the CoA,” ayon sa beteranong mambabatas.

Nabatid sa pagdinig na naalis umano sa kanyang posisyon si Lagman na nagsilbi bilang municipal accountant mula 2007 hanggang 2010.

Samantala, pawang suppliers sina Dizon, Tugade, at Santiago sa magkakahiwalay na transaksiyon ni Tumang simula 2007 base sa datos ng CoA. Naniniwala si Pimentel na mayroon umanong mali sa nasabing transaksiyon.

Ayon sa ulat ng CoA, inilarawan ni Dizon ang kanyang sarili bilang “kababata at kapitbahay” ni Mayor Tumang na itinanggi naman ng huli sa pagdinig. Naging supplier si Dizon ng boom truck.
Itinanggi rin ni Tumang malapit siya kay Tugade, supplier ng assorted medicines at contraceptives, sa kabila ng pahayag ng supplier sa kanyang sinumpaang salaysay noong 2012 na nanghiram umano ang alkalde sa kanya ng P13,513,513.40.

“Your Honor, hindi ko na po ma-recall kung nangyari ‘yun, matagal na po,” anang alkalde.

Nabatid kay Pimentel na hindi umano nagbayad si Tumang nang maningil si Tugade.

Sa parte ni Santiago, sinabi ni Tumang na kilala niya ang supplier pero wala siyang anomang naging relasyon sa sinasabing transaksiyon umano. Pero sinabi ni Pimentel na “very interesting” na bagay ito.

“In the procurement of vehicles [from Santiago], CoA audit team reports that the landline numbers…in the sales invoice and letter of authority…ang nakalagay ho doon na numero ay registered with Teddy C. Tumang,” ani Pimentel.

Itinanggi ni Tumang na naging business partner niya si Santiago.

DEPENSA Dumalo rin sa pagdinig si Ernesto Punzalan, naghain ng reklamo kay Tumang sa komite, na nagsabing mayroon umanong iregularidad sa pag-proseso ng mga kontrata katulad ng utang sa Development Bank of the Philippines (DBP) na nagkakahalaga ng P950 milyon.

Sa kanyang depensa, ikinalungkot ni Tumang na pinayagan ang ilang bayan sa Pampanga sa kanilang plano na magtayo ng bagong city hall liban sa Mexico na naapektuhan ng poltika.

“This is not different from the dreams of other cities and municipalities like Angeles, San Fernando, Mabalacat, and Floridablanca. Mabalacat purchased a 2.5-hectare land worth P625
million for their new city hall. But unfortunately, it is only Mexico’s project which was opposed, like what has happened in this Congress,” ani Tumang.

“It is clearly politics, as we have already done an extensive study and research before embarking on these projects.”

Hiniling ni Tumang kay Punzalan, natalo sa nakaraang mayoral race sa Mexico, na tanggapin ang pagkatalo.

“And to Mr. Ernesto Punzalan, please accept your loss, the people voted for me and you know who won. I was ahead by 48,550 votes, and the Regional Trial Court, the Ombudsman, and Sandiganbayan have decided. Let’s accept and respect the results,” ani Tumang.

Iginiit naman ni Paduano na “Just a quick reaction to the opening statement of Mayor Tumang, just to again reiterate […] that we have nothing to do with your local politics, the committee takes cognizance of this issue based on facts, and [as] the chairman of this committee upon receiving the letter coming from Mr. Punzalan, I asked the COA about the issues raised by Mr. Punzalan, and that includes the Ombudsman.”