Calendar

Holdap suspek nalambat
TIKLO ang 39-anyos na Lalamove rider nang holdapin ang branch ng remittance center sa Navotas City noong Miyerkules.
Dakong alas-2:00 ng madaling araw nang madakip ng mga tauhan ni Navotas Police Chief P/Col. Mario Cortes si alyas James habang nagde-deliver ng parcel sa Caloocan City.
Sinabi ni Col. Cortes na suot pa ng suspek ang orange na Lalamove jacket, puting goggles at itim na helmet na gamit din ng holdapin ang sangay ng LBC Express sa M Naval St., Sipac, Almacen alas-12:58 ng tanghali noong Martes.
Napag-alaman na pinasok ng suspek ang establisimiento, nanutok ng baril at inutusan ang kahera na ilagay ang P20,000 cash sa dala niyang plastic na supot at saka tumakas.
Kitang-kita sa kuha ng CCTV ng remittance center ang mga pangyayari, pati ang pagtakas ng suspek patungo sa C-Road kaya nirebisa ng mga pulis ang mga kuha ng surveillance camera para matunton ang holdaper.
Hindi nakuha ng mga pulis ang baril ng suspek nang maaresto at P9,000 lang ang nabawi mula sa P20,000 na nakulimbat sa holdap.
Inamin umano ng suspek ang bintang at sinabing nagipit siya kaya niya nagawa ang panghoholdap.