Calendar
HOLDAPER KINUYOG NG MGA CUSTOMER SA SPA, NAKORNER
TIMBOG ang 44-anyos na holdaper nang pumalag at kuyugin ng mga biktima Martes ng umaga sa Pasay City.
Dakong alas-11:30 ng umaga nang maglabas ng baril at magdeklara ng holdap si alyas “Alex”, residente ng Las Piñas City, makaraang pumasok at magpanggap na parokyano sa isang Spa na nag-aalok ng serbisyong massage therapy sa Gil Puyat Avenue, Bry. 49.
Habang nakatutok ang baril, pinapasok ng suspek sa isang silid ang limang biktima at inutusan niya ang isa na igapos ang mga kasama subalit pumalag ang mga ito na dahilan para magtatakbong palabas ng establisimiento si alyas Alex.
Hinabol siya ng isa sa mga biktima habang humihingi ng tulong sa mga kalalakihan hanggang ma-korner sa kanto ng Gil Puyat at Taft Avenue.
Dito na napansin ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor ang kaguluhan na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek matapos marinig ang sinabi ng biktima na “Holdaper ito Sir, Tulong”
Mahaharap sa kasong Robbery with Violence at R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek matapos makumpiska sa kanya ng pulisya ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng apat na bala.

