Calendar

Home for the homeless, isusulong ni Villar sa Senado
DUMAGUETE CITY – “Home for the homeless”.
Ito ang isusulong ni Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate at House Deputy Speaker Camille A. Villar sakaling papalarin siyang maluklok sa Senado pagkatapos ng halalan sa Mayo kasama na dito ang paglalatag ng mga programa para sa mga kabataang Millennials.
Ayon kay Villar, ang ilan sa kaniyang mga adhikain at advocacy na isusulong nito pagdating sa Senado ay ang magkaroon ng disenteng pamumuhay ang bawat Pilipino sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maayos at murang pababay na isa sa mga pangunahing problema ng mamamayan lalo na ang mga mahihirap.
Sinabi pa ng Las Piñas Lady solon na ang pangunahing tututukan nito ay ang programa na naglalayong magkaroon ng sariling tahanan ang bawat Pilipino partikular na ang mga tinatawag na “homless” o yung mga nakatira lamang sa mga barong-barong, sa tabi ng ilog at natutulog sa kariton.
“Ang aking mga adhikain ay talagang para ang bawat pamilyang Pilipino ay magkaroon ng sarili nilang bahay at lupa. Para ang bawat Pilipino ay magkaroon ng sapat na trabaho o hanap-buhay at lahat po tayo ay magkaroon ng quality education. Bilang isang Millennial na nagsisimula narin sa aking sariling pamilya. Nakikita ko po ang mga concerns ng ating mga kababayan na tututukan ko sa Senado,” wika ni Villar.
Kasabay nito, naniniwala si Villar na ang “Sipag at Tiyaga” na natutunan nito sa kaniyang ama na si dating Senate President Manny Villar ang totoong susi upang magtagumpay ang mga Pilipino matapos nitong libutin ang mga palengke sa Dumaguete City na dating estilo ng kaniyang ama para alamin ang kalagayan ng mga vendors sa mga pampublikong pamilihan.
“Ang pinakamahalaga sa lahat ay yung sapat na nakita. Magandang trabaho at hanap buhay. Dahil iyan talaga ang susi sa pag-asenso ng ating buhay,” sabi pa ni Villar.