Calendar
House Committee on Poverty Alleviation ikinagalak ang pagkakapasa ng mga panukalang batas na makakatulong sa mga mahihirap na Pilipino
IKINAGALAK ng House Committee on Poverty Alleviation ang pagkakapasa ng mga panukalang batas sa Kamara de Representantes na naka-sentro o naka-pokus para maibsan ang nararanasang kahirapan ng mamamayang Pilipino.
Binigyang diin ni 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., na malaki ang maitutulong ng mga nasabing panukala para kahit papaano ay maibsan ang nararamdamang kahirapan ng mga Pilipino partikular na para sa mga mag-aaral at mga senior citizen.
Sinabi ni Romero na kabilang sa mga panukalang batas na ito ay ang House Bill No. 7548 na isinulong ni House Deputy Speaker at Las Pinas Congresswoman Camille A. Villar na nagbabawal sa mga paaralan at unibersidad na magpatupad ng patakaran na “No Permit, No Exam” sa kanilang mga estudyante.
Ipinaliwanag ni Romero na ang pagkakapasa ng HB No. 7548 ay nagbibigay aniya ng katarungan para sa mga magulang ng isang estudyante na maaaring hirap sa buhay kung kaya’t nagkakaroon sila ng back-log o utang sa paaralan.
Ayon kay Romero, maituturing na masyadong “harsh” o malupit ang pagpapatupad ng “No Permit, No Exam policy” sapagkat hindi nito binibigyan ng pagkakataon ang isang mag-aaral na kumuha ng examination kahit pa makaturangan o lihitimo ang dahilan nito kung bakit hindi siya nakabayad ng utang.
Nauna rito, sinabi din ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na nakatutok ang kasalukuyang 19th Congress sa pagpapagaan ng kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng mga nakasalang na panukala sa plenaryo.
Kabilang din sa mga matatawag na pro-poor House Bill na lumusot na rin sa pagbasa sa Kamara de Representantes ay ang panukalang batas na nagbibigay ng P1 million sa bawat senior citizen na umabot ng 100 years old.
Sinabi pa ni Romero na maikli na lamang ang buhay ng ilang senior citizen kung kaya’t bakit hindi pa maibigayan ng kaukulang kaligayahan ang mga matatanda sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanilang narararapat na insentibo.