Madrona

House Committee on Tourism binigyang diin papel ng turismo sa pagpapa-unlad ng ekonomiya

Mar Rodriguez Oct 14, 2023
327 Views

MULING binigyang diin ng Chairman ng House Committee on Tourism na si Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang kahalagahan at mahalagang papel na ginagampanan ng Philippine tourism para sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa partikular na ang pagpapatanyag sa Pilipinas bilang isang “World Class Tourism destination”.

Ayon kay Madrona, dapat makita ng mamamayang Pilipino ang mahalagang papel o “vital role” na ginagampanan ng Philippine tourism para unti-unting makabagon ang ekonomiya ng bansa mula sa kinasadlakan nitong krisis sa nakalipas na panahon.

Iginiit ni Madrona na ang turismo ng bansa ang isa sa mga sinandalan ng gobyerno at nagbigay ng napakalaking kontribusyon para sa tinatawag na “economic development” bunsod ng pagdagsa ng mga dayuhan sa Pilipinas.

Ganito rin ang naging pananaw ni Department of Tourism (DOT) Sec. Maria Christina Garcia Frasco na nagsabing ang Philippine tourism ang isa sa mga priority programs ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sapagkat nakikita nito ang kahalagaha ng turismo sa ekonomiya ng bansa.

Dahil dito, muling ipinahayag ni Madrona na mismong ang Pangulong Marcos, Jr. na ang nakakakita sa kahalagahan ng Philippine tourism bilang isa sa mga itinuturing na “economic backbone” ng gobyerno o pagkukuhanan ng malaking ganansiya o kita para sa pagsusulong ng mga infrastructure projects.

Umaasa si Madrona na magtutuloy-tuloy ang suporta ng gobyernong Marcos, Jr. para sa Philippine tourism ngayon at nkikita na nito ang kahalagahan ng turismo sa ekonomiya ng Pilipinas.