Calendar
House Committee on Tourism ikinagagalak pagsisikap ni Sec. Frasco
IKINAGAGALAK ng chairman ng House Committee on Tourism na si Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang ipinapamalas na pagsisikap ni Tourism Sec. Maria Christina Garcia Frasco na mas lalo pang pagbutihin ang kalagayan ng turismo ng Pilipinas.
Ayon kay Madrona, nakakabilib umano ang pagpupunyagi ni Frasco na mas lalo pang mapabuti ang kasalukuyang katayuan ng Philippine tourism matapos na dalawa pang Tourism Rest Areas (TRAs) ang pasinayahan para mapagsilbihan ang libo-libong dayuhan at lokal na turista na bumibisita sa Pilipinas.
Sinabi ni Madrona na ipinapakita lamang nito na talagang determinado ang Department of Tourism (DOT) na mas lalo pang makahikayat ng napakaraming dayuhan at lokal na turista na bumisita sa bansa sa pamamagitan ng mga TRAs na matatagpuan sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
Nauna rito, pinapurihan ni Madrona si Frasco matapos itakda ng DOT ang target nitong 7.7 million international arrivals ngayong 2024. Bunsod ng naging tagumpay ng Tourism Department noong nakaraang taon (2023) matapos nitong lampasan ang tinatawag na “conservative target” para sa international arrivals.
Ipinaliwanag ng kongresista na inaasam ngayon ng DOT na makamit ang 7.7 million tourist arrivals sa pagpasok ng 2024.
Dahil dito, pinapurihan ni Madrona ang Kalihim dahil sa ipinapakita nitong pagsisikap at pagpupunyagi para maisulong ang promotion ng Philippine Tourism na magbibigay naman ng napakalaking ganansiya para sa ekonomiya ng Pilipinas at kabuhayan din para sa mga Pilipino.
Muling binigyang diin ni Madrona na inaasahan nilang makakamit ng DOT ang target nitong 7.7 million international visitors ngayong taon. Bagama’t mas mababa ito kumpara noong 2019. Kung saan, nasa 8.2 million ang tourist arrivals bago pumutok ang COVID-19 pandemic sa Pilipinas.