Magsino

House Committee on Tourism nagpasalamat sa suporta para sa malaking 2024 DOT pondo

Mar Rodriguez Sep 21, 2023
211 Views

IKINAGALAK ng Chairman ng House Committee on Tourism na Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang suportang ibinigay ng mga kongresista para mas mabigyan ng malaking budget ang Department of Tourism (DOT) kabilang na ang kanilang mga attached agencies.

Nagpa-abot naman ng taos pusong pasasalamat sina Madrona at OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino sa mga kapwa mambabatas na sumuporta sa kanilang adhikain at layunin na madagdagan ang 2024 proposed national budget ng Tourism Department.

Sinabi ni Magsino, nagsikap na isulong ang dagdag na pondo para sa DOT, na kung tutuusin aniya ay 24% na mas mababa ang alokasyon na ibinigay para sa Tourism Department kumpara sa kasalukuyang budget nito na nagkakahalaga ng P3.407 billion na ginamit para sa iba’t-ibang programa ng DOT.

Binigyang diin ni Magsino na imposibleng maisakatuparan ang minimithi o pinapangarap ng DOT na maging isang “tourism powerhouse” o maging isang pangunahing travel destination sa buong Asya kung kakarampot lamang ang kanilang budget kabilang na ang iba pa nilang programa.

Ikinatuwiran din ni Madrona na sakaling hindi naibigay ang malaking budget o kulang ang pondo para sa DOT. Mangangahulugan lamang umano nito ng pagka-udlot ng iba pang proyekto ng DOT sa susunod na taon kasama dito ang pina-plano nilang WiFi connection sa lahat ng tourist spots sa buong bansa.

Ipinunto naman ni Magsino na noong nakaraang taon ay halos pumalo sa mahigit dalawang milyon ang mga dayuhang dumagsa sa Pilipinas o ang tinatawag na tourist arrivals bukod pa dito ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na umuwi ng bansa para bisitahin ang kani-kanilang pamilya.

“Kung mapapansin ninyo, sa lahat ng ahensiya ng ating pamahalaan. Ang DOT ang pinaka-aktibo sa lahat ng government agencies, dahil araw-araw ay mayroong dumadating na international tourist para magbakasyon at bumista dito sa Pilipinas. Kaya nakaka-lungkot naman kung napaka-liit ng budget na ibibigay natin para sa kanila,” paliwanag ni Magsino.