Calendar
House Committee on Tourism naniniwalang ngayong Disyembre ang peak season ng Philippine tourism
NANINIWALA ang House Committee on Tourism na ngayong buwan ng Disyembre o ang panahon ng Kapaskuhan ang maging “peak season” ng Philippine tourism dahil sa dami ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at dayuhang turista na dadagsa sa Pilipinas.
Sinabi ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, inaasahang lalo pang madadagdagan ang bilang ng mga turistang pumasok at bumisita sa Pilipinas noong nakaraang Nobyembre 8 na umabot sa 1,961,087.
Ganito rin ang ipinahayag ng Department of Tourism (DOT) kaugnay sa pagbisita ng mga “foreign visitors” na sinasabing pinaka-mataas sa kanilang talaan (figure) mula ng pumutok ang COVID-19 pandemic.
Dahil dito, kumpiyansa si Madrona na hindi malayong lalo pang madagdagan ang nasabing bilang ngayong “Christmas season” bunsod ng mga balikayang OFWs na bibisita sa kani-kanilang pamilya. Bukod pa ang mga dayuhang turista na magbabakasyon sa bansa.
Ayon kay Madrona, ang pagpasok ng mga lokal at dayuhang turista sa Pilipinas hindi lamang ngayong panahon ng Kapaskuhan ay isang napaka-gandang senyales na unti-unti ng nakakabangon ang dating nalugmok na Philippine tourism dulot ng pandemiya.
“Inaasahan natin na lalo pang madadagdagan ang bilang ng mga papasok na local and foreign tourist this Christmas season dahil yung mga kababayan nating OFWs ay mag-uuwian para bumisita sa kanilang pamilya, at mga may dayuhan naman dito sa Pilipinas nagbabakasyon,” sabi ni Madrona.
Inihalimbawa ni Madrona ang inilabas na data ng DOT kung saan, ang mga bansang bumisita o nagtungo sa Pilipinas nitong mga nakalipas na buwan at itinuturing na “top market” ngayon taon ay ang United States, South Korea, Australia, Canada, United Kingdom, at Japan.
Nauna nang sinabi ng beteranong kongresista na mula ng manungkulan si President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at italaga naman si Tourism Sec. Maria Christina Garcia Frasco. Napakalaki na ang inasenso at naging “improvement” ng sektor ng turismo ng bansa.
Ipinahayag pa ni Madrona na kung magtutuloy-tuloy ang magandang “improvement” ng ating turismo. Malaki aniya ang magiging tulong nito para sa mga Pilipinong walang trabaho.