Just In

Calendar

January 2025
M T W T F S S
 12345
6789101112
13141516171819
20212223242526
2728293031  
Tanggapan ng Pangalawang Pangulo

House panel nag-isyu ng show-cause order vs mga opisyal ng OVP

143 Views

KATULAD ni Vice President Sara Duterte hindi rin sumipot ang limang opisyal ng Office of the Vice (OVP) sa pagdinig ng Kamara de Representantes na nag-iimbestiga sa kuwestyunable umanong paggamit ng pondo ng ahensya.

Kaya nag-isyu ang House Committee on Good Government and Public Accountability ng show-cause order upang magpaliwanag sa kanilang hindi pagdalo sa pagdinig.

Ang mga opisyal na ito ay sina Undersecretary Zuleika Lopez (chief of staff), Assistant Secretary Lemuel Ortonio (assistant chief of staff), Rosalynne Sanchez (director of Administrative and Financial Services), special disbursing officer Gina Acosta, at chief accountant Julieta Villadelrey.

Kung hindi makapagbigay ng katanggap-tanggap na paliwanag o muling hindi sisipot sa pagding, maaaring ma-cite in contempt ang mga ito at maharap sa pag-aresto at pagkakakulong.

Ang pagpapalabas ng show cause order ay bunsod ng mosyon ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop, ang vice chairman ng panel na inaprubahan ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chairman ng komite matapos na walang tumutol.

Sa 17 opisyal ng OVP na inimbitahan, tanging si OVP spokesperson Michael Poa, na itinalaga noong Agosto 19 ang humarap sa panel. Gayunman, sinabi ni Poa na hindi siya binigyang pahintulot ng Bise Presidente na magsalita sa ngalan ng tanggapan.

Ayon sa committee secretariat, ilang mga opisyal ng OVP ang nakita sa paligid, subalit nawala nang magsimula na ang pagdinig.

Hindi rin dumalo si Duterte sa pagdinig, na nagpadala ng liham sa komite na may petsang Setyembre 23 upang ipaalam kay Chua na hindi ito dadalo at hinimok ang komite na itigil na ang imbestigasyon.

Ang imbestigasyon ay nag-ugat sa privilege speech ni Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano, na inakusahan si Duterte ng maling pamamahala sa pondo ng OVP base na rin sa natuklasan ng Commission on Audit (COA).

Una na ring nagpalabas ng Notice of Disallowance ang COA sa P73 milyong pondo na bahagi ng P125 milyon na confidential funds ng OVP noong 2022.

Natuklasan din ng COA na ang halagang ito ay iniulat na nagastos sa loob lamang ng 11 araw, mula Disyembre 20 hanggang 31, 2022, o average na P11 milyong paggastos kada araw.

Sa inilabas na Notice of Disallowance, inatasan ng COA si VP Duterte, kasama sina Acosta at Villadelrey, bilang ‘accountable officials,’ na ibalik ang P73 milyong pondo sa gobyerno.

Tinukoy din ng ahensya ang P500 milyong nakalaan noong 2022 at 2023, kung saan 10 porsyento lamang o P51 milyon ang na-clear nang walang isyu, habang ang malaking bahagi ng pondo na nasa ilalim ng pagsisiyasat.

Pinalawig din ng panel ni Chua ang kanilang imbestigasyon upang isama ang umano’y pagkukulang ng Department of Education (DepEd), sa ilalim ng pamumuno ni Duterte, na maiparating ang ICT equipment sa mga guro at estudyante, pati na rin ang mga umano’y maling pamamahala ng mga pondo.

Nakatuon ang imbestigasyon sa hindi paggamit ng DepEd ang halos P9 bilyon mula sa P11.36 bilyong badyet nito para sa ICT equipment noong 2023, na nagresulta sa mababang utilization rate na 19.22 porsyento.

Kabilang din sa susuriin ng komite ang ulat ng COA noong 2023, na nagbunyag ng malaking kakulangan sa operasyon sa Computerization Program ng DepEd.

Binanggit sa ulat na tanging 50 porsyento lamang ng badyet para sa programa ang nagamit, kaya hindi naging matagumpay ang pagpapatupad nito.