Calendar
House prosecution tinutulan depensa ni VP Sara na “kalayaan sa pagpapahayag” ang ‘banta’ vs PBBM
MARIING tinutulan nitong Sabado ng House prosecution panel ang pahayag ni Bise Presidente Sara Z. Duterte na ang kanyang umano’y banta laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay saklaw ng karapatan sa malayang pagpapahayag.
Ayon sa prosekusyon, walang karapatang konstitusyonal ang ganap na walang limitasyon at ang usapin ay nararapat na pagpasiyahan ng Senate impeachment court.
Ginawa ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang pahayag matapos igiit ng kampo ni Duterte sa kanilang sagot sa impeachment tribunal na ang mga naging pahayag ng Bise Presidente ay saklaw ng freedom of speech.
“You know, all lawyers would agree that there’s no such thing as absolute freedom. All freedom are also subject to some regulation,” ani Alonto Adiong sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
“Hindi maaaring basta na lamang maglakad ang isang tao sa lansangan at magbintang o magbanta laban sa iba nang walang kaukulang pananagutan, maging ito man ay sa salita o sa gawa,” dagdag pa niya.
Isa sa mga Artikulo ng Impeachment ay nag-ugat sa online press conference ni Duterte noong Nobyembre 2024, kung saan sinabi niyang may inutusan siyang tao na patayin sina Pangulong Marcos, Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at noo’y Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sakaling maisakatuparan ang umano’y plano laban sa kanya.
Kalaunan ay lalo pang binigyang-diin ni Duterte ang kanyang pahayag sa pagsasabing “no joke” ito. Dahil dito, nagsagawa ng mga imbestigasyon ang Kongreso at kalaunan ay isinama ang insidente bilang isa sa mga Artikulo ng Impeachment na inaprubahan ng Kamara de Representantes.
Ayon kay Alonto Adiong, naniniwala ang prosekusyon na ang umano’y mga pagbabanta ay dapat suriin batay sa epekto nito sa mga taong pinatutungkulan, at hindi lamang sa sitwasyon kung saan ito binitiwan.
“Ang banta, gaya ng nakita natin sa press conference na ipinatawag niya, ay isang direktang pagbabanta sa Pangulo. Hindi lamang ang mismong sinabi niya ang dapat pagtuunan ng pansin, kundi ang naging epekto ng kanyang mga salita sa taong pinagbantaan—ang Pangulo, ang Unang Ginang, at ang dating Speaker,” aniya.
Itinuro rin ni Alonto Adiong ang mismong mga salita ni Duterte bilang patunay na nais nitong seryosohin ang kanyang pahayag.
“Siya mismo ang nagbigay-diin sa antas ng kanyang pagbabanta nang sabihin niyang, ‘no joke, no joke,'” diin ni Alonto Adiong.
Sinabi ni Alonto Adiong na nasa Senate impeachment court na ngayon ang pagpapasya kung ang umano’y mga pagbabanta ay maituturing na pagkakanulo sa tiwala ng publiko (betrayal of public trust) at mataas na krimen (high crimes).
“Nasa pagpapasya na ng hukuman iyan. Kaya natin ito ipinasa sa Senado upang ang Senado, bilang impeachment court, ang tuluyang magpasya kung ang aming alegasyon ay tunay ngang bumubuo ng betrayal of public trust at high crimes,” aniya.
Dagdag pa niya, nananatiling kumpiyansa ang prosekusyon sa mga ebidensyang ihaharap nito sa paglilitis.
“Tandaan ninyo, kumpiyansa kami na mayroon kaming sapat na ebidensyang ihaharap sa Senado,” ani Alonto Adiong.
Sinabi rin niya na tungkulin ng mga opisyal ng pamahalaan na magsilbing mabuting halimbawa sa publiko at nagbabala na ang pagtrato sa mga pagbabanta bilang pangkaraniwan ay maaaring magkaroon ng masamang epekto sa lipunan.
“At tandaan natin, bilang mga lingkod-bayan, tungkulin din nating makibahagi sa paghubog ng mabubuting pagpapahalaga upang tayo ay maging huwaran ng mga kabataan at ng bawat Pilipino,” aniya.
“Sa pinakamababa, ang masamang epekto nito sa lipunan ay nagiging normal ang pagbabanta sa kapwa-tao—isang bagay na hindi dapat mangyari kaninuman at anumang oras,” dagdag ni Alonto Adiong.
Natapos ng Senate impeachment court ang mga pagdinig sa pre-trial noong Hunyo 25 at nakatakdang simulan ang impeachment trial sa Hulyo 6.

