Tolentino

Husay, talino ng kabataan sa agham, teknolohiya hinangaan

Edd Reyes Sep 18, 2024
110 Views

TINIYAK ni Senate Majority Floor Leader at Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones Francis “Tol” Tolentino ang buo niyang suporta sa ikalawang taon ng National Youth Science, Technology, and Innovation Festival ng Department of Science and Technology (DOST) na idinaos Miyerkules ng umaga sa PICC Forum Tent sa Pasay City.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Tolentino na kahanga-hanga ang pagmamapalas ng husay, talino at dedikasyon sa larangan ng agham at teknolohiya ng mga kabataang Pilipino na aniya ay makakapagpabago sa ating lipunan at magbibigay ng solusyon sa mga hamon ng makabagong panahon.

Nagpaabot naman ng kanyang taos-pusong pasasalamat si DOST Secretary Renato Solidum, Jr. kay Senator Tolentino matapos maglaan ng P20 milyong pondo ang mambabatas sa ilalim ng Congress Introduce Changes/Adjustments (CICA) na aniya ay malaking tulong sa kanilang adhikaing makatuklas pa ng mga makabagong teknolohiya at magkaloob ng oportunidad sa mga kabataan na madagdagan ang kanilang pagpapahalaga at kamalayan sa Science, Technology at Innovation (STI).

Kabilang din sa layunin ng naturang festival na may temang “STEM Vibe” ay mahayaan ang mga bata na maranasan sa kanilang mura pang kaisipan ang agham, teknolohiya, engineering, matematika, at mga pagbabago na makakatulong upang magsilbing inspirasyon sa kanila na ituloy ang karera sa ganitong larangan.

Sa naturang festival, ipinamalas din ang mga bagong likha at mga gamit na naimbento ng mga kabataang estudyante, mga proyekto at mga inilahok nila sa iba’t-ibang kompetisyon.

Nauna rito, dumalo si Senator Tolentino sa Kapihan sa Manila Bay kung saan ibinahagi niya ang pagnanais na maisulong na umupa o mag-renta ng lamang ng mga barkong pandigma na magbabantay sa mga isla at karagatang sakop ng exclusive economic zone (ECZ) ng Pilipinas.

Malaki aniya ang matitipid ng bansa sa oras na umarkila ng mga barkong pandigma sa halip na bumili, bukod sa magiging mabilis din aniya ang deployment ng mga ito lalu na ngayong umiinit muli ang tensiyon sa mga karagatang inaangkin ng China bunga ng pagdaragdag nila ng kanilang mga barko.