Calendar

Huwag galit ang ihasik natin sa mundo kundi pag-ibig. Gaya ng pag-ibig ng Diyos (MATEO 5:43-48)
“NGUNIT ito naman ang sabi ko: ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo”. (Mateo 5:44)
BATID kong maraming magkakamag-anak, magka-kaibigan at magkaka-pamilya ang nagkasira, nagkaroon ng alitan at hindi pagkakaunawaan noong nakalipas na halalan dahil sa kanilang magkakaibang paniniwala at paninindigan nang dahil sa politika at kandidatong sinuportahan nila.
Sa puntong ito, tama ang kasabihan na ang politika ay mistulang “kalawang” sapagkat ito ay labis na mapaminsala at maraming relasyon ang sinisira kahit na sa loob ng isang pamilya. Walang pinaliligtas ang kalawang ng politika kahit pa ito ay magkadugo at magkapatid.
Hindi ba’t ganito ang mapait at masaklap na sitwasyon ng magkakapatid sa isang Siyudad? Kung saan, nang dahil sa politika. Sila-sila ay nag-aaway, magkakagalit at halos hindi nagkikibuan at nag-uusap. Iyan ang bunga ng mapanirang politika na sumira ng kanilang relasyon.
Gayunman, may mga pagkakataon naman. Nang dahil sa politika. Ang dating magkaka-away ay nagkakabati at nagkakasundo. Depende na lamang sa sitwasyon at pangyayari.
Tapos na nga ang halalan kaya ito na ang panahon para maghilom ang anomang sugat at hapdi na nangyari noong nakaraang buwan ng dahil sa politika. “It’s now time to heal” ika nga, ang ibig sabihin. Ito naman ang pagkakataon para bigyan natin ng puwang ang pagpapatawad at pag-move on. Tapos na ang eleksiyon kaya dapat tapos narin ang mga samaan ng loob at galit sa ating dibdib laban sa ating mga kaaway.
Pagnilayan at damahin natin ang mensahe ng Mabuting Balita (MATEO 5:43-48) kung saan ipinangaral ng ating Panginoon ang pag-ibig sa ating mga kaaway sa halip na gantihan natin sila gaya ng sina-unang turo na ibigin ang ating mga kaibigan subalit dapat din kapootan ang ating mga kaaway. (MATEO 5:43)
CULTURE OF HATE:
Matatandaan natin na noong nakalipas na administrasyon. Hindi ba’t masyadong lumaganap ang galit, poot, pagkamuhi, murahan dito, murahan doon. Ang isang paksiyon galit na galit sa mga di-umano’y pinklawan, dilawan at iba pang mga grupo. Wala kang mababasa at matutunghayan sa social media kundi puro pagkamuhi. Hindi mo mararamdaman ang pag-ibig sa isa’t-isa bilang mga Pilipino sapagkat ang umiiral at namamayagpag ay sobrang galit sa dibdib. Sa halip na pagmamahal sa isa’t-isa ang itanim sa puso ng bawat mamamayan. Galit at sobrang pagkamuhi. Kaya anong nangyari? Tayo-tayo ay nag-away-away.
Tama ba? Tama ba na ang nagmumula sa ating mga puso ay galit at pagkamuhi? Pagkagalit sa sarili nating mga kababayan? Iyan ang itinanim ng “kultura ng sobrang pagkamuhi”. Nang dahil diyan. Sa halip na magkaisa tayong mga Pilipino lalo tayong nagkawatak-watak at nagkaniya-kaniya. Malayong-malayo sa pangaral ng ating Panginoon na ibigin ang ating mga kaaway.
TULARAN NATIN ANG PUSO NG DIYOS:
Bilang mga mananampalataya ng ating Panginoong Hesu-Kristo. Hinahamon tayo ngayon ng Pagbasa na sa halip na tapatan natin ng galit o poot ng ating mga kaaway. Ito ay tapatan natin ng pag-ibig at pag-aalay ng panalangin para sa kanila. Dahil ang Diyos na mismo na makapangyarihan sa lahat ay pantay-pantay ang pagtingin sa mga mabubuti gayundin sa mga masasama. Ang sabi nga: The Lord is just (makatuwiran).
Kung ibubuhos ng Diyos ang kaniyang galit sa mga masasama. Tinitiyak ko na kakaunting mabubuti lang ang matitira. Mabibilang mo sa lamang sa daliri ang maiiwan, mas maraming masasama ang mamamatay – kasama na ako duon kasi ako man ay isang makasalanan.
Kaya para sa Diyos, wala tinatangi ang kaniyang pag-ibig. Ang lahat ay pantay-pantay. Kaya iyan ang hamon sa atin ngayon, kung kaya rin ba nating tularan ang pag-ibig ng Panginoong Diyos kahit pa sa ating mortal na kaaway. Anong uri ng pag-ibig nayroon tayo kung ang gusto lamang natin mahalin ay yung taong nais natin? Marahil iyan ay hindi matatawag na tunay na pag-ibig kundi isang “hilaw” at hungkag na pag-ibig.
Dahil mababasa natin sa Ebanghelyo na ang mga publikano na inilalarawan ni Hesus bilang mga “pakitang tao at mapagbalat-kayo” ay umiibig lamang sa mga taong nais nilang ibigin. Hindi naman tayo publikano para sila ay ating pamarisan. Tayo ay mga Kristiyano o mananampalataya ni Kristo. Kaya kung ano si Kristo ay dapat ganoon din tayo. Isang Kristiyanong nananalangin para aa kaniyang mga kaaway at nagmamahal sa mga taong umuusig sa kaniya.
Mahirap magmahal ng isang kaaway. Subalit ito ang kailangan natin gawin bilang mga Kristiyano. Mahirap ang magpatawad, ngunit alalahanin natin na mas mabigat ang mga nagawa natin kasalanan sa Diyos kumpara sa kasalanan ng ating kapwa sa atin. Gayunman, pinatawad parin tayo ng Panginoon.
Kung nais natin ang pagpapatawad ng ating Panginoong Diyos. Kailangan matutunan din natin ang magpatawad sa ating kapwa.
“At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan. Tulad ng aming pagpapatawad sa mga nagkakasala sa amin”. Sapagkat kung pinatatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. Ngunit kung hindi niyo pinatatawad ang mga nagkakasala sa inyo. Hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama”. (MATEO 6:12, 14-15)
Isipin na lamang natin kung ano ang mangyayari sa ating mundo kung ang mga magkakaaway ay laging maggagantihan, magsasakitan o kaya’y magpapatayan? Tapos ang sisihin natin ay ang Diyos. Magagalit tayo sa kaniya kasi puro karahasan ang nangyayari sa mundo. Pero sino ba ang naghahasik ng karahasan? Hindi ba’t ang tao rin na puno ng galit ang kaniyang dibdib?
Maging Jesus tayo sa ating kapwa sa pamamagitan ng pagpapatawad, pananalangin para sa mga kaalitan natin at pag-ibig para sa kanila. Hindi madaling gawin. Subalit kaya, kung hihingiin natin ang gabay ng Espiritu Santo. Panahon na para ang GALIT ay palitan naman natin ng PAG-IBIG.
Ibaon na natin ang culture of hate. Palitan natin ito ng culture of LOVE. Magmahal tayo sa ating kapwa sapagkat ang Diyos ay punong-puno ng pag-ibig. Mahal na mahal tayo ng Panginoon kahit gaano pa karami ang ating mga kasalanan.
Ang kailangan ng ating mundo ay KAPAYAPAAN – HINDI KARAHASAN. Ang karahasan at kaguluhan ay galing sa Diyablo. Layunin ng Diyablo na magkagulo sa mundo, mag-away away ang mga tao at magpalaganap ng poot hanggang sa magkamatayan. Ngunit ang PAG-IBIG at PAGPAPATAWAD ay galing sa ating Panginoong Diyos dahil ang ating Diyos ay PAG-IBIG.
AMEN