bro marianito

Huwag isipin ang mga problema, manalig sa Diyos

418 Views

JesusAng bangka na sinasakyan ng mga Alagad ni Jesus ay tulad sa buhay ng tao na sinasalpok din ng mga problema at pagsubok. (Mt. 14:22-33)

MAHIRAP makipagsapalaran sa buhay na ito. Sapagkat maraming pagsubok at problema ang dumarating sa buhay ng isang tao.

Lalo na ngayong panahon kung saan, binabayo tayo ng iba’t ibang problema.

At ang isa sa pinaka-matindi dito ay ang pamumuksa ng COVID-19 pandemya.

Subalit sa kabila ng mga krisis na ito nandiyan pa rin ang mapagpalang kamay ng Panginoong Diyos na nag-aahon sa Atin mula sa kumunoy na kinalulubugan Natin.

Sa Mabuting Balita ngayon (Mateo 14:22-33), mababasa natin ang naramdamang takot ng mga alagad ni Jesus habang sila ay naglalayag sa laot at sinasalpok ng alon ang kinalulunadan nilang bangka.
Ang bangkang sinasakyan ng mga disipulo ay tulad din ng buhay ng isang tao.

Sa ating paglalayag sa buhay, paminsan-minsan ay hindi maiiwasang hinahampas din tayo ng mga alon at malalakas na hangin.

Katulad nang naging karanasan ng mga alagad ni Kristo sa Ebanghelyo.

Habang Sila ay naglalayag patungo sa kabilang ibayo, ang kanilang bangka ay sinasalpok ng mga alon dahil pasalungat ito sa hangin.

Gayunman, dumating si Jesus na naglalakad sa tubig. Maaaring ito ay para saklolohan ang Kaniyang mga Disipulo, subalit sa kabila nito.

Hindi nila nakilala si Jesus at sa halip ay napagkamalan pa Nilang isang “multo”. Natakot Sila at ang akala Nila’y “Multo” ang paparating.

Samakatuwid, hindi nila nakilala ang Panginoong Jesus dahil mas nangibabaw sa Kanila ang takot sa halip na ang manaig sa Kanila ay pananampalataya.
Tulad ng mga apostol. Marami din tayong kinatatakutan na naglalarawan sa “multo”. Ang multo ng pera.

Natatakot tayo na mawalan ng pera, lagi tayong nag-aalala at balisa kapag wala tayong pera.

Kaya may ilan ang nakakaisip gumawa ng illegal dahil takot na takot silang maubusan ng pera sa bulsa.

Nariyan din ang multo ng kapangyarihan, natatakot tayo na kapag wala tayong kapangyarihan.

Lalo na sa mga politiko. Ang pakiramdam kasi natin ay hindi tayo makakahingi ng pabor sa mga bagay bagay na ilalapit Natin.

Lalo na kung ang bagay na ito ay pagkaka-perahan. Natatakot din tayong mawalan ng impluwensiya.

Dahil kapag may impluwensiya ang isang tao, daig pa niya ang isang hari. Kaya ganun na lamang ang takot ng tao kapag nawalan siya ng impluwensiya.

Ang mga bagay na ito na kinatatakutan natin ay mga bagay na kapag nawala sa atin. Ang pakiramdam natin ay,”we are nobody”.

Kapag wala tayong kapangyarihan, feeling natin, we are nobody.

Kapag wala tayong impluwensiya, ang pakiramdam natin ay we are nobody.

Pero sa Pagbasa, pinawi ni Jesus ang takot ng mga disipulo matapos nilang mapagkamalang “multo”.

Ganun din sa atin, maaaring nangungusap din si Lord sa atin at sa sinasabi niyang,”Huwag Kayong Matakot, Ako ito”.

Mas malaki ang kapangyarihan ng Panginoong Jesus kaysa sa kinatatakutan nating mga bagay bagay na mawawala sa atin.

Tulad ng pera, kapangyarihan at impluwensiya. Dahil ang mga bagay na ito na kinatatakutan natin ay hindi makakatulong para sa ating buhay espirituwal.

Hindi makakatulong sa atin para masabi ng ibang tao na,” We are a better person” not because of our money, power and influence. But because “We are somebody” because of Christ. Dahil kay Kristo Jesus kaya tayo mabuti at perpekto gaya Niya.

Ikaw ay “somebody” hindi dahil sa pera, kapangyarihan at impluwensiya.

Kundi dahil kay Kristo Jesus. Ang takot ng mga alagad gaya ng takot natin at takot dahil sa kawalan ng pananampalataya.

Dahil kung talagang matibay ang pananalig natin sa Diyos, kahit sampung “multo” pa ang magpakita sa harapan natin, hinding hindi tayo matatakot. Sapagkat alam nating nasa tabi lamang natin si Lord Jesus.

Sa kabila ng mga suliranin at pagsubok sa ating buhay, nariyan ang kamay ng Panginoon na nag-aabot sa atin para tayo makaahon.

Gaya ng nangyari kay San Pedro sa ating Pagbasa. Kailangan lamang nating mag-focus o itutok ang ating atensiyon kay Lord.

Dahil kung ang lagi nating iisipin ay ang mga problemang dumarating sa buhay natin
tulad nang nangyari kay Pedro, lalo lamang tayong malulubog. Nawala sa focus si Pedro at ang ikinabahala at pinansin niya ay ang malakas na hangin.

Kaya ang sinagot sa kaniya ni Lord. “Bakit ka nag-alinlangan? Napaka-liit ng iyong pananalig”.