Bro. Marianito Agustin

Huwag malulong sa labis na pagsasaya

671 Views

Huwag natin masyadong lasingin ang ating sarili. Sa halip ay patatagin natin ang ating pananampalataya. (Lucas 21:34)

“Mag-ingat kayo na huwag kayong malulong sa labis na pagsasaya, paglalasing at matuon ang inyong pag-iisip sa mga alalahanin sa buhay na ito. Kung hindi ay baka bigla kayong abutan ng Araw na iyon”. (Lucas 21:34)

NATATANDAAN ko nuong araw. May isang sakit na awitin na ang pamagat ay “Laklak”. Ang sabi sa kanta: “Ang kabilin-bilian ng Lola ay huwag uminom ng serbesa dahil ito ay hindi pambata, ngayong ako’y matanda na. Lola pahingi ng pang-toma”.

Ang kantang ito ay maaaring pumapatungkol sa mga taong wala na ginagawa sa kanilang buhay kundi ang uminom at maglasing. Kung tawagin sila ng ibang tao ay mga “sunog baga”.

Sapagkat ginugugol nila ang kanilang oras at panahon sa pag-inom ng alak at magsunog ng kanilang baga. Dahil sa kanilang walang sawang paglalasing.

Hindi naman ipinagbabawal ng Diyos ang pag-inom ng alak lalo na kung mayroong mahalagang okasyon. Nagiging masama na lamang ito, hindi lamang sa paningin ng Panginoon kundi maging sa paningin ng ating kapuwa at mahal sa buhay.

Kung masyado na tayong nalulong sa pag-iinom. Tulad halimbawa ng isang inuman na umaabot ng magdamag.

Nagiging masama lamang ito kung napapabayaan na natin ang ating sarili, trabaho at pamilya dahil wala na tayong ibang inatupag kundi ang uminom ng alak at maglasing.

Kaya pinapaalalahanan tayo ng Pagbasa (Lucas 21:34) na dapat tayong mag-ingat upang huwag tayong malulong sa labis na pagsasaya, paglalasing at ituon ang ating isip sa mga alalahanin sa ating buhay.

Minsan, inaakala natin na ang buhay dito sa ibabaw ng mundo ay nababalot ng kasiyahan. Kaya ang ginagawa ng ilan ay nagpapakalunod sila sa pag-iinom, nagliliwaliw sila sa iba’t-ibang lugar. Habang ang iba naman ay nagpapakasaya sa mga bagay na hindi kaaya-aya sa paningin ng Diyos.

Ito kasi ang ating pagtingin sa buhay na ipinagkaloob sa atin ng Panginoong Diyos. Subalit nakaligtaan natin na ang buhay natin sa ibabaw ng mundo ay may katapusan at kaligayahang tinatamasa natin ay may sukdulan.

Nasa sa atin na lamang kung paano natin seseryosohin at tratratuhin ang ating sarili habang tayo ay nabuhuhay sa mundo.

Sapagkat malinaw ang mensahe ng Ebanghelyo na baka tayo abutan ng Araw na iyon na tulad ng isang bitag. Dahil darating ang Araw na iyon sa lahat ng tao sa ibabaw ng lupa. (Lk. 21:34-35)

Hindi naman maaaring puro pagsasaya at paglalasing na lamang ang ating gagawin sa ating buhay. Sapagkat kailangan din naman natin isipin ang ating kinabukasan.

Hindi lamang ng ating mga sarili para sa ating pamilya. Kundi ang kinabukasan ng ating mga kaluluwa sakaling dumating nga ang Araw na tinutukoy ng Pagbasa.

Minsan, sa ating sobrang pagsasaya ay nakakalimutan na natin ang mga mahahalagang bagay na kailangan din nating pagtuunan ng pansin. Tulad ng paglalaan ng oras para sa Diyos at sa ating pamilya.

Itinuturo sa atin ngayon ng Pagbasa na huwag natin masyadong gugulin ang ating oras at panahon sa paglalasing at pagsasaya.

Dahil napakahalaga din na mapayabong natin tulad ng isang halaman ang ating relasyon sa Panginoong Diyos bilang paghahanda sa pagdating ng takdang Araw.

Manalangin Tayo:

Panginoon naming Diyos. Tulungan mo po kami na huwag masyadong mag-alala sa buhay na ito. At sa halip ay maging matatag ang aming pananampalataya sayo.

AMEN