Asistio

Huwag niyong gawin playground mga pampublikong lansangan

Mar Rodriguez Nov 11, 2025
189 Views

Asistio1SINUSUPORTAHAN ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Caloocan City 3rd District Representative Dean Asistio ang naging babala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa mga naglalaro ng skateboard at roller blade sa mga pampublikong lansangan.

Ipinahayag ni Asistio na: “Huwag niyong gawing playground” ang mga pampublikong lansangan”, kung saan binigyang diin nito na napakadelikado ang ginagawa ng ilang kabataan sapagkat sa mga kalsadang dinadaanan ng mabibilis na sasakyan nila ginagawa ang pag-roller blade at skateboarding na napaka-delikado.

Iginigiit ni Asistio na dapat maging malinaw sa mga kabataang ito na ang kalsada ay para sa mga sasakyan lamang at mayroon aniyang tamang lugar upang doon nila isagawa ang mga ganitong uri ng recreation.

Ayon sa kongresista, dapat isa-alang alang din ng mga kabataan na sakaling sila ay madidisgrasya halimbawang sila ay mahagip o masagi ng sasakyan, ang magkakaroon ng pananagutan ay ang driver dahil ito ang may lisensiya bukod pa ang perwisyo ng pagpapagamot o kaya’y ang pagpapa-ospital sa biktima.

“Ang dapat nilang isipin ay ang napakalaking perwisyo na maaaring mangyari dahil sa kanilang ginagawa. Una riyan ay yung perwisyo at abala duon sa driver kahit wala naman siyang kasalanan, siya kasi ang may lisensiya kaya ito ang mananagot kahit hindi naman niya kasalanan. Isa pa dito ang gastos sa ospital, hindi naman maaaring hindi niya ito ipagamot. Talagang perwisyo ang idudulot nito sa driver at biktima,” paliwnag ni Asistio.

Kasabay nito, naging matagumpay ang ginanap na “People’s Day” sa distrito ni Asistio sa pamamagitan ng paghahatid ng mga serbisyo na may malasakit para sa mga mamamayan.