Shabu

HVI nalambat, P1.2M shabu nakuha sa Balanga,

Bernard Galang Dec 12, 2025
129 Views

CAMP OLIVAS, Lungsod ng San Fernando, Pampanga — Nakapagtala ang Police Regional Office 3 (PRO3) ng panibagong tagumpay sa pinaigting nitong kampanya kontra ilegal na droga sa pagkakaaresto ng isang high value individual sa isinagawang buy-bust sa Lungsod ng Balanga, Bataan noong Biyernes.

Ayon kay PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Balanga City police ang operasyon sa Barangay Tuyo na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na nakilalang si “Jonnel.”

Nasamsam mula sa kanya ang 165 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1,122,000, kasama ang iba pang drug paraphernalia at ang buy-bust money.

Pinuri ni Peñones Jr. ang mga operatiba dahil sa kanilang husay at propesyonalismo, at binigyang-diin na ang matagumpay na operasyon ay suporta sa mga direktiba ng pambansang pulisya.

“Ang matagumpay na operasyong ito ay sumasalamin sa PNP Focused Agenda on Enhanced Managing Police Operations ng Acting Chief PNP, PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., at nagpapatibay sa aming 3Ps — Protect the People, Pursue Peace and Order, at Promote Professionalism,” ani Peñones.