Teofimar Renacimiiento

Idolo ng palpak na Robredo ang palpak na Cory Aquino

300 Views

(PANGALAWA AT HULING BAHAGI)

PANGATLO, nilikha ni Cory Aquino, bilang bagong pangulo ng Pilipinas, ang 1986 Constitutional Commission, ang barkadang nagsulat ng kasalukuyang saligang batas o ang 1987 Constitution. Wala ni isa sa mga kasapi sa Constitutional Commission ang hinalal ng taong-bayan. Lahat sila, pinili mismo ni Aquino mula sa mga hanay ng kanyang mga kakampi sa pulitika.

Palpak ang saligang batas na sinulat ng mga alagad ni Aquino. Halimbawa, sa ilalim ng nasabing saligang batas, hindi maaring tanggalin ng mga hukuman ang mga kongresista sa pwesto sa Kongreso kahit labag sa batas ang kanilang pagkaluklok sa kapangyarihan.

Pinagbawal din ng saligang batas ni Aquino ang mga “political dynasties” ngunit pinabayaan ang pagpapatupad nito sa kamay ng mga kongresista. Dahil dito, maraming “political dynasties” ang kasalukuyang nakaupo sa Kongreso at sa lokal na pamahalaan.

Pang-apat, pinayagan ni Aquino na makialam ang mga pari at madre ng simbahang Katoliko sa kanyang pamahalaan. Kailangan may pahintulot ni Jaime Cardinal Sin ang sino mang inilalagay ni Aquino sa kanyang gabinete, sa mga hukuman, at sa mga makapangyarihang pwesto, tulad ng 1986 Constitutional Commission, at sa Movie and Television Review and Classification Board.

Ika-lima, matindi ang naging kapangyarihan sa pamahalaan ni Aquino ang kanyang mga kamag-anak. Dahil marami sa kanila ang umabuso sa pera ng bayan, tinawag silang “Kamag-anak, Inc.” ng ilang mga manunulat sa pahayagan, tulad ng yumaong Louie Beltran.

Pang-anim, walang isang salita si Aquino. Pinangako niya na sa ilalim ng kanyang palatuntunang “Comprehensive Agrarian Reform Program” o CARP, ang mga dating magbubukid ang magiging may-ari na ng mga lupa nilang sinasaka.

Ipinatupad ni Aquino ang kanyang CARP, ngunit sadyang liniban niya sa sakop ng CARP ang Hacienda Luisita sa Tarlac, na siyang pag-aari ng pamilya ni Aquino mula pa nung matapos ang panahon ng Hapon sa Pilipinas.

Hindi tumupad si Aquino sa kanyang pangako. “Exempted” sa CARP ang kanyang Hacienda Luisita. Hindi sumunod si Aquino sa batas.

Pinagmamalaki ng mga tagahanga ni Aquino na naging malaya ang Pilipinas sa ilalim ni Aquino. Hindi iyan totoo.

Mababasa sa kasaysayan ng bansa na dinemanda ni Aquino sina Louie Beltran at Maximo Soliven, dalawang mga beteranong manunulat sa pahayagan, dahil sa mga ulat at komentaryo nila na hindi nagustuhan ni Aquino.

Si Cory Aquino ang kaisa-isang pangulo ng Pilipinas na siya mismo ang nagdemanda sa mga peryodista. Malayang pamamahayag sa ilalim ni Aquino? Kasinungalingan iyon!

Nakasulat din sa kasaysayan ng bansa na galit na galit si Cory Aquino sa mga kahit sinong nagwewelga laban sa kanyang pamahalaan. Basahin ninyo sa online ang “Mendiola Massacre” na naganap nung Enero 1987.

Sa Mendiola Massacre, 13 magsasakang nag-rally sa Mendiola laban sa CARP ang namatay sa kamay ng mga security forces ng Malacañang, at 74 naman ang sugatan.

Kahit nung panahon ni Pangulong Marcos, walang ganyang karahasan ang nangyari. Tapos, pinalalabas ni Aquino na masamang pangulo si Marcos? Sinungaling!

Eto ngayon si Robredo nagsasabing hinahangaan niya si Cory Aquino, at pangalawang Cory Aquino daw siya kapag nahalal siyang pangulo sa Mayo 2022!

Sapagkat idolo ni Leni Robredo ang palpak na si Cory Aquino, tiyak na palpak din si Robredo. Palpak lang ang maaring humanga sa kapwa palpak.

Samakatuwid, tungkulin ng bawat mamamayang Pilipino na nagmamahal sa ating bayan na huwag iboto si Leni Robredo sa darating na halalan.