PBBM & Speaker Romualdez

Inisyatiba ni PBBM para sa pagbangon ng Marawi, pinuri ni Speaker Romualdez

Mar Rodriguez Dec 6, 2024
136 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Biyernes ang mga hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa rehabilitasyon ng Marawi City kabilang ang pagtatatag ng Office of the Presidential Adviser for Marawi Rehabilitation and Development (OPAMRD) sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 78.

Ayon kay Romualdez, ang pagtatayo ng OPAMRD ay isang mahalagang hakbang tungo sa muling pagbangon ng Marawi at sa pagtiyak na maipatutupad ang mga programa para sa kapakanan ng mga apektadong residente ng lungsod.

Kasabay nito, binigyang-diin ng pinuno ng 307-miyembro ng Kamara de Representantes ang mga hakbang na isinagawa ng kanyang kapulungan upang mapabilis ang rehabilitasyon ng Marawi City mula sa pinsalang dulot ng 2017 Marawi siege, kabilang na ang taunang alokasyon sa pambansang badyet ng hindi bababa sa P1 bilyon para sa iba’t ibang proyekto at programa.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang mga pagsisikap ni Pangulong Marcos ay sumasalamin sa matinding dedikasyon ng administrasyon na lutasin ang mga matagal ng isyu na nagpabagal sa tuluyang pagbangon ng Marawi City at mga kalapit nitong komunidad.

Ayon sa lider ng Kamara ang paglikha ng OPAMRD ay isang makabuluhang hakbang upang matiyak na ang mga pagsisikap para sa pagbangon at rehabilitasyon ng Marawi ay hindi lamang mapalalakas kundi mapabibilis at mas magiging maayos.

“It is a demonstration of President Marcos’ sincerity in delivering on his promise to the people of Marawi and the entire Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM),” saad nito.

Ipinunto niya na sa bahagi ng Kamara, ang tiniyak na mula sa simula ng rehabilitasyon ng Marawi ay may sapat na pondo at may mga nakatakdang mekanismo ng pangangasiwa at pagsubaybay.

Kabilang sa mga ginawang hakbang ng Mababang Kapulungan ang mga sumusunod:

1.Ang taunang alokasyon para sa Bangon Marawi Comprehensive Rehabilitation and Recovery Program, na nakatuon sa mga proyektong pabahay, imprastruktura, at kabuhayan para sa mga pamilyang nawalan ng tirahan. Ang mga alokasyong ito ay masusing sinusuri upang matiyak ang transparency at pananagutan.

2. Pinalakas na Pagsubaybay sa mga Pondo para sa Rehabilitasyon – Nagdaos din ang Kamara ng maraming pagdinig at imbestigasyon upang matiyak na ang mga pondong inilaan para sa rehabilitasyon ng Marawi ay nagagamit nang maayos. Muling iginiit ni Speaker Romualdez ang pangako ng Kongreso na isagawa ang tungkulin nito sa pangangalaga upang maiwasan ang pagkaantala, maling pamamahala, o katiwalian.

3. Suporta sa mga Proyektong Pang-Lokal ng BARMM – Sa pagpapahalaga sa mahalagang tungkulin ng pamunuan ng BARMM at mga lokal na pamahalaan sa rehabilitasyon ng Marawi, nakipagtulungan ang Kongreso upang pagtugmain ang mga pambansang at pang-rehiyong hakbang, lalo na sa mga proyekto sa imprastruktura, serbisyong panlipunan, at mga programa para sa kapayapaan.

Sinabi ni Speaker Romualdez na bagamat may mga pag-usad na, patuloy pa rin ang mga hamon, kabilang na ang pagkaantala sa mga pangunahing proyektong pang-imprastruktura, pagbibigay ng permanenteng pabahay, at pagbabalik ng mga kabuhayan.

Ayon sa kaniya, ang pagbuo ng OPAMRD ay naglalayong tugunan ang mga isyung ito sa pamamagitan ng paglikha ng isang centralize authority na magsasama-sama ng mga hakbang ng gobyerno at tinitiyak na ang lahat ng mga programa ay nakaayon sa pangangailangan ng mga apektadong komunidad.

“The people of Marawi deserve a rehabilitation process that is efficient, transparent and inclusive. By creating OPAMRD, President Marcos has ensured that these objectives are prioritized,” saad pa ng mamababatas.

Hinimok din ng pinuno ng Kamara ang pakikilahok ng mga lokal na stakeholder, pribadong sektor, at civil society, na ayon sa kanya ay mahalaga sa ikatatagumpay ng OPAMRD.

“We must involve the people of Marawi every step of the way. Their voices, their aspirations, and their experiences must shape the path forward,” giit pa nito.

“The rehabilitation of Marawi is not just about rebuilding structures – it is about restoring dignity, hope, and opportunity to our fellow Filipinos. Let us work together to ensure that Marawi’s story becomes one of resilience and triumph over adversity,” ayon pa sa kongresista.

Ipinahayag din ni Speaker Romualdez na ang Mababang Kapulungan ay maglalaan ng mga kinakailangang pondo at magpapasa ng mga kaukulang batas upang palakasin ang mga hakbang ng OPAMRD.

Makikipagtulungan din umano ito sa Executive branch at pamunuan ng BARMM upang matiyak na ang programa sa rehabilitasyon ay makakatugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan ng Marawi.