Binata

Inuman ng magkuya nauwi sa patayan, bunso dedo

Jon-jon Reyes Mar 24, 2025
26 Views

PATAY ang isang 27-anyos na binatang karpintero matapos paluin ng kahoy ng kanyang kainuman na kapatid nito sa kahabaan ng Area H Gate 19 sa Barangay 20, Parola Compound, Tondo, Manila, Linggo ng madaling araw.

Nakilala ang biktima na si Nino, habang ang suspek naman na utol nito ay si Nicolas na 44-anyos, at kapuwa naninirahan sa nasabing lugar ng pinangyarihan.

Ayon sa report ni Police Capt. Dennis Turla, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 3:15 ng umaga nang mangyari ang krimen sa nabanggit na lugar.

Nabatid sa inisyal na imbestigasyon base sa salaysay ng nakasaksi, masayang nag-iinuman ang magkapatid kung saan nagkaroon ng kulitan na nauwi sa mainitang alitan sa pagitan nila. Ito’y nagresulta sa pagkapalo ng kahoy ng nakakatandang kapatid sa biktima na naging sanhi ng pinsala nito sa ulo.

Agad namang isinugod ang biktima sa Gat. Andres Bonifacio Memorial Hospital para sa medikal na atensyon subalit idineklara itong dead on arrival.

Agad ding nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakahuli ng suspek.