Gatchalian

Isa pang palugit ng estate tax amnesty para sa mga tagapagmana malapit nang maisabatas — Gatchalian

152 Views

SINABI ni Senador Win Gatchalian na ang mga tagapagmana ay magkakaroon ng isa pang pagkakataong mabigyan ng estate tax amnesty kasunod ng pag-apruba ng Senado sa panukalang batas na magpapalawig dito ng dalawa pang taon.

Si Gatchalian, chairperson ng Senate Ways and Means Committee, ay naghain ng Senate Bill 2219 o An Act Amending Republic Act 11213, Otherwise Known As The “Tax Amnesty Act” As Amended By Republic Act 11569. Sa madaling salita, pinapalawig pa nito ng dalawa pang taon at pinapasimple ang proseso ng pag-avail ng estate tax amnesty program ng gobyerno.

“Gusto nating bigyan ng huling pagkakataon ang ating mga kababayan na mapakinabangan ang amnestiya ukol sa pagbabayad ng estate tax. Inaasahan natin na mas marami sa mga kababayan natin na nawalan ng mahal sa buhay sa kasagsagan ng pandemya ang makikinabang sa pagpapalawig ng amnestiyang ito,” sabi ni Gatchalian.

Binanggit ng mambabatas na noong Abril ngayong taon, nasa 130,000 taxpayers ang nakinabang na sa tax amnesty.

Ang panukalang batas ay naglalayong palawigin hanggang Hunyo 14, 2025 ang panahon ng pag-avail ng naturang amnestiya na nakatakdang mag-expire sa Hunyo 14 ng taong ito. Palalawakin din ang saklaw ng estate tax amnesty program. Kasama na sa coverage ang estate ng mga namayapa noong Mayo 31, 2022 o bago pa kasunod ng dami ng mga namatay sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19. Sa orihinal na bersyon ng panukala, hanggang Disyembre 31, 2017 lang kasi ang saklaw nito.

Installment payment na rin ang gagawin para hikayatin ang mas maraming taxpayers na mag-avail ng amnesty program. Ito, aniya, ay ipagkakaloob sa mga taxpayers na walang civil penalties at interes.

“Inaasahan natin na marami sa ating mga taxpayers, lalo na ang mga may limitasyon sa kanilang budget, ang makikinabang sa pagpapalawig ng extension dahil mapapagaan nito nang husto ang pagbabayad ng estate tax,” ayon sa senador.

“Ang programang ito ay nagbibigay ng pagkakataon para sa mga nagbabayad ng buwis na gawing pormal ang pagmamay-ari nila ng lupa, nang sa gayon ay matiyak ang kanilang mga karapatan sa ari-arian, at magbigay ng kapangyarihan sa kanila na i-maximize ang halaga ng kanilang mga ari-arian sa pamamagitan ng iba’t ibang economic activities,” pagtatapos niya.