Calendar

Isko: Mga programa sa edukasyon, kalusugan itutuloy ko
NANGAKO si Francisco “Isko Moreno” Domagoso na itutuloy ang mga proyektong pang-edukasyon, pabahay at pang-kalusugan kung magiging alkalde na naman ng Manila.
Ayon kay Domagoso, naipatayo ang Tondominium 1, Tondominium 2, Binondominium 1, San Lazaro Residence, San Sebastian Residence, at Pedro Gil Residence na bahagi ng kanyang City Vertical Housing Program dahil sa kanya.
Itutuloy pa rin daw niya ang pagpapatayo ng Binondominium II, III at IV sa bahagi ng Delpan St. upang doon na manirahan ang mga residenteng nagtayo ng mga barong-barong sa mismong island ng naturang lansangan.
Sa programang pang-kalusugan, binanggit ni Yorme ang naipatayo niyang 10-palapag na bagong Ospital ng Maynila na dinisenyo para pagkalooban ng serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan ng lungsod dahil may 384 na bed capacity ito, 12 intensive care units at 20 pribadong silid sa mga nangangailangan.
Nalungkot si Domagoso dahil sa naantalang pagbubukas ng kasalukuyang administrasyon sa ipinatayo niyang Baseco Hospital kaya’t isa ito sa kanyang ipinangako na bubuksan sa publiko kapag pinalad na mahalal.
Ibinahagi rin ni Domagoso na nakapaglaan ng P5 bilyon para sa modernisasyon ng mga pampublikong paaralan at bahagi nito nagamit sa konstruksiyon ng Manila Science High School, Dr. A. Albert Elementary School at Rosario Almario Elementary School.