Jaclyn Jose

Jaclyn pagkatapos ng biglaang pagpanaw, iki-cremate agad

Eugene Asis Mar 4, 2024
596 Views

Jaclyn Jose Jaclyn JoseHABANG sinusulat ang balitang ito ay naghihintay pa rin ang lahat ng tamang detalye sa pagpanaw ng 2016 Cannes Film Festival Best Actress na si Jaclyn Jose (Mary Jane Sta. Ana Guck), 59, at kung ano ba talaga ang naging sanhi ng biglaan nitong pagkamatay noong Sabado, Marso 2, 2024.
Natagpuan ang wala nang buhay niyang katawan noong Linggo, Marso 3.

Sa unang lumabas na ulat, posible raw nadulas at nabagok ang ulo ng aktres sa loob ng bahay na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. May report naman na nahulog umano si Jaclyn sa hagdan.

Gayunman, mabilis na nagdesisyon ang pamilya, kabilang na ang anak na si Andi Eigenmann (anak ni Jaclyn sa nasirang aktor na si Mark Gil) na kaagad na pumunta ng Maynila mula sa Siargao kung saan ito naka-base. Durog na durog ang puso nito dahil sa nangyari sa ina.

Sa Arlington Chapels dinala ang mga labi ni Jaclyn, at ayon sa report ni Cristy Fermin, kaagad din itong iki-cremate bukas, Marso 5.

Wala na nga raw pagkakataon ang isang anak nito na si Gwen Garimond Ilagan (anak ni Jaclyn sa band member noon na si Kenneth Ilagan) na nasa Amerika para makita ang mga labi ng ina.

Samantala, balitang ang unang nakaalam sa malagim na pangyayari ay ang nakatatandang kapatid ni Jaclyn, ang dating aktres na si Veronica Jones na sinasabing may-ari ng bahay sa Quezon City. Nagtataka raw ang dating aktres dahil hindi sumasagot sa tawag o text ang kapatid.

Isa naman ang aktor na si Coco Martin sa mga unang dumating sa bahay kung saan binawian ng buhay ang premyadong veteran actress matapos malaman ang malungkot na pangyayari.

Base sa isang impormasyon, nakita ng ilang taong nasa scene of the crime na dumating si Coco. Parang tunay na ina na ang turing ng aktor kay Jaclyn na kasama niya sa Kapamilya serye na “FPJ’s Batang Quiapo” kung saan gumaganap ang aktres bilang Corrections Chief Supt. Dolores Espinas.
Nagpunta rin daw agad sa crime scene ang isa pang kaibigan ni Jaclyn na si Cherry Pie Picache na kasama rin nila sa “Batang Quiapo.”

Hindi makakalimutan ni Coco si Jaclyn.

Sa isang panayam, sinabi ni Jaclyn ang dahilan kung bakit napapayag siyang bumalik sa ABS-CBN mula sa GMA7 makalipas ang 10 taon.

“Si Coco (ang isa sa rason), parang anak ko na ‘yan. Ang una niyang pelikula, kasama ako, ‘Masahista,’ noong araw. Matagal na. At mula noon, hindi naman kami nag-lose contact. In short, nagkakausap pa rin,” pagbabahagi ni Jaclyn.

Naikuwento rin niya na paulit-ulit niyang sinasabihan noon si Coco na sumabak na sa mainstream movies, pero ayaw raw nito.

“Sabi ko, di na, ano na, puwede na ‘yan. Meron daw siyang ano…parang mahina ang loob niyang makiharap sa mga stars. Sabi ko, hindi, ano lang ‘yan, pare-pareho lang tayo,” aniya pa.

Sa tanong kung in-expect ba niyang magiging superstar si Coco, “Well, hindi ganito kalaki. But I know that he is a very good actor. Alam kong mahusay siya dahil lagi kaming nagsasama sa indie.”

Patuloy pa niya, “Ang pakiramdam ng artista, ako ha, kapag hindi ako nakapasok sa soap ni Coco, halimbawa itong Probinsyano na natapos, hindi kumpleto ang pagiging artista ko.

“May ganoong feeling. Hindi ko alam ang pakiramdam ng kapwa ko artista, pero ako, ganoon ang pakiramdam ko,” aniya pa.
Bukod kay Coco at sa iba pang nakasama niya, sobra ring na-shock ang kaibigan niyang direktor na si Adolf Alix, Jr. Matagal na ang kanilang pagkakaibigan at katunayan, may twinning tattoo pa sila sa braso ng aktres. Isa sa huling pelikula ni Jaclyn ay ang pelikulang ‘Pieta’ ni Direk Adolf.
Si Jaclyn ay pinarangalan ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) bilang isa sa Icon of the Year noong isang taon.