Marlon Purificacion

Jinggoy pinapurihan mga atletang humakot ng medalya sa 11th ASEAN Para Games

266 Views

NAGHAIN ng resolusyon si Senador Jinggoy Ejercito Estrada upang bigyang papuri ng Senado ang mga kumatawan sa bansa sa katatapos na ASEAN Para Games kung saan nakahakot ng 104 na medalya ang mga Pilipinong atleta.

Hinigitan nila ang 74 na medalyang inuwi ng mga lumahok noong 2009 edition.

“Ang tiyaga, disiplina, pagpursige sa pagiging mahusay at sportsmanship na ipinakita nila sa regional meet at sa buong panahon ng kanilang paghahanda at pagsasanay ay pagpapatunay ng pagkakaroon nila ng exemplary values at katangian na maaaring tularan ng mga nakababatang henerasyon at ng lahat ng Pilipino,” sabi ni Estrada sa kanyang inihain na Senate Resolution No. 110.

“Ang kanilang kahanga-hangang mga nagawa at tagumpay sa pandaigdigang palakasan ay nagdala ng karangalan sa bansa kaya’t karapat-dapat lamang na papurihan at bigyan sila ng pagkilala ng Senado,” dagdag pa ng mambabatas.

Kahit na karamihan sa 144 na para athlete delegation sa 11th ASEAN Para Games na ginanap sa Surakarta, Indonesia ay lumahok sa unang pagkakataon, nagawa nilang makapagbigay ng kahanga-hangang performance sa nasabing palaro.

Sa pagtatapos ng regional sports fest na dalawang beses na ipinagpaliban dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, nasa panglima sa pangkahalatan ang Pilipinas matapos makakuha ng 26 ginto, 30 pilak at 46 na tansong medalya. Ito ang pinakamalaking paghakot ng medalya ng bansa sa kasaysayan ng Para Games.

Naitala noong 2009 edition sa Kuala Lumpur, Malaysia ang pinakamahusay na record ng bansa kung saan nakakuha ang Pilipinas ng 24 na ginto, 24 pilak at 26 na tansong medalya.

Ang ASEAN Para Games ay isang biennial multi-sport event para sa mga atletang may pisikal na kapansanan sa Southeast Asia. Ang ika-11 na edisyon na ginanap noong Hulyo 30 hanggang Agosto 6, 2022 ay nilakuhan ng 1,648 na mga atleta at 661 na mga opisyal mula sa 11 bansa sa buong rehiyon.

Ang Solo 2022 Para Games ay nagtampok ng 14 na sports tulad ng archery, athletics, badminton, blind judo, boccia, cerebral palsy football, chess, goalball, powerlifting, sitting volleyball, swimming, table tennis, wheelchair basketball at wheelchair tennis.

“Nararapat na papurihan ng Senado ang mga atleta dahil naging matagumpay ang kanilang kampanya at nakapaghatid sila ng pinakamahusay na performance para sa bansa sa biennial regional games. Dapat lamang na ipagmalaki natin sila,” ani Estrada.

Sa ganang akin, isang magandang hakbang ang ginawang ito ni Estrada.

Nakatataba ito ng puso para sa ating mga atleta na nagpakita ng katatagan, lakas, galing at husay.

Nagbigay ng karangalan sa kabila ng kanilang mga kapansanan.

Isang malaking insipirasyon ang ipinakita ng mga kampeong atleta na ipinagsisigawan na kailanman ang Pilipino ay hindi magpapadaig sa buong mundo.

Umaasa tayong maliban sa mga natatanggap na parangal at pagkilala ay sana mapagbuti pa nang maayos ang budget para sa ating mga atleta