Kabataan

Kabataan bigyan ng tyansang kumita habang nag-aaral para makatulong sa pamilya

297 Views

DAHIL sa kahirapan ng buhay, dapat na mabigyan ng tyansa ang maraming estudyante sa bansa na kumita habang nag-aaral upang makapag-ambag sa kanilang pamilya, ayon kay presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson.

Ito ang pangunahing rason ni Lacson sa likod ng kanyang isinusulong na programang ‘Edukasyon Plus’ para sa mga kabataan. Aniya, personal niyang nakita ang kalagayan ng ilan sa mga mag-aaral na kinailangang ipagpaliban ang kanilang pag-aaral para tumutok sa paghahanapbuhay.

“Meron kaming na-encounter, ‘yung mga natulungan namin na hindi na makapag-aral, kasi kailangan maghanapbuhay. Kasi ‘yung magulang minsan may sakit ‘yung tatay, medyo may kapansanan ‘yung ina, so napipilitan ‘yung bata—16, 17, 18 years old—na hindi na halos makapag-aral,” lahad ni Lacson sa kanyang pagbisita sa Catanduanes State University nitong Biyernes (Abril 29).

Layunin ng ‘Edukasyon Plus’ agenda ni Lacson na mabigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral simula sa senior high school na kumita ng P5,000 monthly allowance mula sa paid internship program ng pamahalaan sa ilalim ng kanyang pamumuno.

“So, huwag nating pagkaitan ‘yung ating mga kabataan ng pag-aaral. Bukod doon sa Tertiary Education Act, ‘yung free tuition, dapat dagdagan pa natin. Kaya naman ng ating budget. Sabi ko nga kanina, hindi nagagamit P300-plus billion,” dagdag pa ng batikang senador.

Tinutukoy niya rito ang Batas Republika 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act na plano niyang ipatupad nang maayos gamit ang bilyun-bilyong pondo ng pamahalaan na hindi nagagamit o hindi maayos na nakakarating sa mga benepisyaryo.

Misyon ni Lacson sa pamamagitan ng programang ‘Edukasyon Plus’ na hindi na mapilitang huminto sa pag-aaral ang mga estudyante para magtrabaho dahil kahit nag-aaral ay nakakatulong na sila sa kanilang pamilya.

Paliwanag pa ng presidential candidate, bukod sa mapapanatali ang mga estudyante sa paaralan ay mabibigyan din ng magandang pagkakataon ang mga kabataan na mapabuti ang kanilang kalagayan sa buhay.