Lee Si Manang Bong Lee, ang kabiyak ni Police Major General Ronald O. Lee.

Kabiyak ni PNP Gen. Ronald Lee nanawagan ng mapayapa, malinis na eleksiyon sa pagtakbo bilang mayor ng Bauang, La Union

26 Views
Lee1
Makikita si Manang Bong Lee, kabiyak ni Police Major General Ronald O. Lee, habang kausap ang mga bata at matatandang residente ng Bauang, La Union, kung saan tumatakbo siya bilang alkalde ng munisipalidad sa darating na eleksiyon sa Mayo 12.
Photos from Bong Lee supporters

Lee2Lee3

SIYA ay isang registered nurse na kilalang makeup artist ng mga Pinoy celebrities, pero mas lalo siyang kilala bilang butihing kabiyak ng isang outstanding Philippine National Police (PNP) official na may pangalang Major General Ronald Oliver Lee—isa sa mga pangunahing miyembro ng prestihiyosong Philippine Military Academy “Tanglaw-Diwa” Class of 1992 na ngayon ay direktor ng National Police Training Institute (NPTI).

Siya ay si Maria Clarissa Arcangel Tandoc-Lee, o “Bong” sa kanyang pamilya at malalapit na kaibigan, na ngayon ay tumatakbo bilang alkalde ng Bauang, La Union.

Ipinanganak noong Oktubre 30, 1969, sa San Fernando City sa La Union mula sa isang kilalang pamilya sa lalawigan, si “Manang Bong Lee” ay isang all-around woman: isa siyang registered nurse, isang maybahay, isang mapagmahal na nanay kina Alvin Claron at Alijhon Abisjah, isang professional makeup artist ng mga sikat na personalidad; butihing kabiyak ni General Lee; at isang mapagmahal na lola sa 2-anyos na anak nina Alijhon at Yana Lee na si Alliana Therlyn Grace o ATG sa buong pamilya.

Natapos niya ang kanyang elementarya sa Catbangen Central School noong taong 1982, gumradweyt sa La Union National High School noong 1986 at nagtapos ng kolehiyo sa Union Christian College noong 1990.

Sa maraming pagkakataon, siya ay nagsilbing tagapayo at pangulo ng PNP Officers’ Ladies Club Foundation Inc. (PNP OLCFI), na isang makataong organisasyon na tumutulong sa kapakanan ng PNP personnel at kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng iba’t ibang programa sa kalusugan, edukasyon at kabuhayan.

Bukod dito, siya rin ay Director for Administration ng Rotary Club of San Fernando City, La Union, at miyembro ng Philippine Nurses Association.

Kilala bilang isang “strong woman” na talagang ipinaglalaban ang tama, inaasahang dadalhin ni Manang Bong Lee sa munisipalidad ng Bauang ang brand of leadership na ipinamalas niya noong pinamumunuan pa niya ang PNP OLCFI.

Isang lider na may tunay na pagmamahal sa mga mahihirap at lubos na nangangailangan, isang lider na tunay na tumutulong para ipaabot sa kinauukulan ang mga hinaing ng mga tao, at isang lider na may tunay na integridad para pamunuan ang Bauang municipal hall.

Nang tanungin kung ano ang nagtutulak sa kanya sa buhay, buong puso niyang sinabi: “Bilang isang natatanging mag-aaral noong hayskul, naramdaman kong may tungkulin akong maglingkod sa aking paaralan at sa komunidad kung saan ako lumaki. Sa paglipas ng panahon, nabigyan ako ng pagkakataong maglingkod sa PNP at sa lipunan sa pamamagitan ng PNP Officers’ Ladies Club, saanman at kailanman madestino ang aking asawa.”

“Ang pagiging asawa ng isang pulis ay isang mabigat na responsibilidad. Kailangan mong damayan siya sa stress, pagsubok at sakripisyong kaakibat ng kanyang tungkulin. Ang aking papel sa aming tahanan ay hindi lamang isang maybahay kundi isang gabay—isang tagapagtaguyod ng kanyang pisikal, mental at espiritwal na kalusugan upang matupad niya nang mahusay ang kanyang tungkulin. Lalo kong naunawaan ito nang italaga siyang Provincial Director upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa kanyang nasasakupan,” dagdag pa niya.

Naging police director ng Pangasinan Police Provincial Office si Maj. Gen. Lee noong may ranggo pa lang siyang Colonel noong taong 2017.

“Bilang kabiyak ng isang opisyal ng PNP, awtomatiko akong naging bahagi ng PNP Officers’ Ladies Club. Sa panahon ni PNP Chief Benjamin Acorda, nagsilbi akong Pambansang Pangulo ng organisasyon. Isa itong mapanghamong tungkulin—hindi lamang para magpatuloy ang adbokasiya ng samahan kundi upang ipadama sa ating mga pulis at kanilang pamilya na may nagmamalasakit sa kanila,” ayon sa mayoralty candidate ng Bauang, La Union.

Sa ilalim ng kanyang pamamahala, ang PNP OLCFI ay nagsagawa ng malalaking humanitarian projects na sadyang nakatulong sa mga pulis at mga dependents nila sa Cordillera Police Regional Office, ang PNP Criminal Investigation and Detection Group at ngayon ay ang NPTI na lahat ay pinamahalaan ni Maj. Gen. Lee.

“Ang pagiging isang makeup artist ay isang sining—katulad ng sining ng pagiging isang asawa ng isang lingkod-bayan. Ang bawat hagod ng aking brush sa mukha ng isang tao ay tulad ng aking pagsuporta sa aking asawa—maingat, tapat at may malasakit. Ang mga kulay at anino na inilalapat ko sa mukha ay sumasalamin sa aking pananampalataya sa serbisyo at dedikasyon sa pagtulong sa iba. Sa pamamagitan ng sining ng pagpapaganda, natutunan kong makita ang tunay na halaga ng buhay—na hindi nasusukat sa panlabas na anyo kundi sa lalim ng karakter ng isang tao,” sinabi ni Ka Bong Lee.

Ang kanyang karanasan sa PNP Officers’ Ladies Club ay nagpapatunay na siya ay isang matatag, matibay at may mataas na kakayahang mamuno.

Siya ay isang babaeng may prinsipyo, karunungan, kabutihang-loob at kasimplehan, ngunit may bakal na determinasyon at hindi natitinag na diwa.

Siya ay isang tunay na lingkod-bayan, may matibay na pamumuno, taos-pusong dedikasyon at propesyonalismo—isang huwaran na dapat tularan.

Ayon kay Manang Bong Lee, ang isang malinis, tapat, malaya at maayos na halalan ay itinuturing na “Holy Grail” ng pulitika sa Pilipinas.

Pabago-bago ang klima ng pulitika sa bansa sapagkat ito ay binabalot ng nakababahalang mga insidente ng iregularidad at kontrobersya tuwing halalan.

Ang mga epekto nito ay napakalaki na yumanig sa pundasyon ng ating ideolohiya sa ating walang hanggang paghahangad ng buhay, kalayaan, pagkakapantay-pantay at katarungan para sa lahat.

Sa darating na lokal na halalan sa Mayo 12, sinabi niya na taimtim na inaasam ng sambayanan, kapulisan, sandatahang lakas at iba pang pangunahing mga tagapagtangkilik ng kapayapaan na ang matagal nang minimithing gantimpala ay sa wakas ay makamit.

Ayon sa kandidata, ang nalalapit na halalan ay muling nagbubukas ng pintuan para sa pagbabalik ng mga pamilyar na mukha—ang tinaguriang “bigwigs” at mga batikang beterano mula sa maimpluwensyang angkan at dinastiyang pampulitika o political dynasties na mayroong malalakas at malawakang makinarya.

Gayundin, ito ay nagmamarka ng pagdating ng mga baguhang pulitiko sa larangang mainit ang paligsahan at karaniwang pinamumunuan ng mga kalalakihan.

Taglay ang kanilang adbokasiya at estratehikong agenda para sa radikal na reporma sa serbisyo publiko at pagpapaunlad ng bansa, isa si Manang Bong Lee sa mga bagong kandidatong lumalaban upang makuha ang tiwala ng taumbayan.

Umaasa silang mababago nila ang balanse ng kapangyarihan, ang takbo ng kasaysayan at ang kinabukasan ng bayan para sa mas maliwanag at mas maunlad na kinabukasan ng susunod na henerasyon.