Water

Kakapusan ng suplay ng tubig pinangangambahan

318 Views

POSIBLE umanong magkaroon ng kakapusan ng suplay ng tubig sa Metro Manila sa panahon ng tag-init dahil konti ang naipong tubig sa Angat Dam.

Gumagawa na umano ng mga hakbang ang Maynilad Water Services, Inc. at Manila Water Company, Inc. upang matugunan ang pangangailangan ng mga kustomer nito.

Nagtatayo umano ang Maynilad ng apat na modular treatment facility sa iba’t ibang lugar at plano nito na buksan ang ilang deep well upang makadagdag sa kinakailangang suplay.

Sinabi naman ng Manila Water na naka-stand by na ang mga treatment facility at deep well nito.

Sa Angat dam nanggagaling ang 96% ng suplay ng tubig ng Metro Manila.

Sa pagtataya ng National Water Resources Board (NWRB) posibleng sa Abril ay bumaba na sa critical level na 180 metro ang tubig sa Angat dam.

Ngayong Miyerkoles ng umaga, ang lebel ng tubig sa naturang dam ay 195.79 metro mas mababa ng 16 metro sa normal high water level ba 212 metro.