Kalansay ng tao lumutang sa ilog

63 Views

NADISKUBRE ang kalansay ng tao nang lumutang sa ilog habang naghuhukay ng putik ang dalawang trabahador gamit ang backhoe sa Quezon City nitong Lunes ng hapon.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 5:15 ng hapon (December 9), nang madikubre ang kalansay sa ilalim ng Felix Manalo Bridge, Marikina-Pasig River, Circulo Verde, Brgy. Bagumbayan, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Erwin Jay Mendez, gamit ang backhoe habang naghuhukay sina Diosdado Molina at Ferdinand Acosta ng putik sa ilog ay biglang lumutang ang bungo ng tao sa tubig.

Agad na inireport ang insidente sa opisyal ng Barangay Bagumbayan at pulisya para sa imbestigasyon at tamang disposisyon.

Dumating ang SOCO team mula sa QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni P/Lt. Darrel Eol at nagsagawa ng teknikal na aspeto ng imbestigasyon.

Doon ay natuklasan din nila ang iba pang skeletal remains ng nasabing bungo ng tao.

Ang mga kalansay ay inilipat sa mga pasilidad ng JROA Funeral Service para sa pag-iingat.