Violent1

Kaligtasan ng mga bata dapat tugunan ng dayuhang online kompanya sa Pilipinas

136 Views

SINABI ni Senadora Risa Hontiveros na dapat tumugon ang foreign-based online developers at platforms na nag-o-operate sa Pilipinas at umaabot sa mga batang Pilipino sa mga usapin tungkol sa kaligtasan ng mga bata, matapos tumanggi ang Germany-based developer ng GoreBox na dumalo sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng Tacloban school shooting.

Sinabi ni Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, na ipinaalam ng developer na si Felix Filip sa committee secretariat sa pamamagitan ng email na hindi siya dadalo sa July 1 hearing, personal man o sa pamamagitan ng Zoom.

“Nakakadismaya na pinili ni Mr. Filip na huwag dumalo sa darating na hearing namin lalo na’t marami sana akong gustong malaman mula sa kanya mismo,” sabi ni Hontiveros.

Sinabi ng senadora na hihingi siya ng tulong sa German Embassy sa Pilipinas upang mapadali ang partisipasyon ni Filip sa imbestigasyon.

“My committee remains open to facilitate his attendance and participation in our investigation in case he changes his mind. Hindi dito nagtatapos ang aming pagnanais na marinig siya,” dagdag niya.

Ayon kay Hontiveros, nais sana ng komite na direktang tanungin si Filip tungkol sa safeguards ng GoreBox, kabilang ang age restrictions, content moderation, at posibleng pagkalantad ng young users sa harmful online communities o behavior.

Sinabi niya na hindi lamang ito tungkol sa isang developer o isang laro, kundi sa pangangailangang magtakda ng malinaw na pamantayan para sa online platforms na umaabot sa mga batang Pilipino.

“Any developer or online company that wants to operate here, profit from Filipino users, and reach Filipino children must respect our laws and our institutions. This should be the bare minimum for them to do business here. Kung ayaw nilang kilalanin, mananagot rin sila,” sabi ni Hontiveros.

Inaasahang sisiyasatin sa July 1 hearing ang mas malawak na chain of failures na maaaring nakapag-ambag sa June 22 Tacloban school shooting, kabilang ang posibleng grooming, radicalization, at normalization of violence sa online platforms.

Nilinaw ni Hontiveros na hindi layunin ng imbestigasyon na sabihing isang laro lamang ang dahilan ng trahedya.

“Hindi natin sinasabing isang laro lang ang dahilan ng trahedyang ito. Pero kung may online environment na maaaring naging bahagi ng pagkakalantad ng mga bata sa karahasan, tungkulin nating siyasatin iyon,” sabi niya.

Pinalawak ng usapin sa GoreBox ang nakatakdang imbestigasyon ng Senado mula sa school security tungo sa online child safety, platform safeguards, at posibleng pagkalantad ng mga menor de edad sa violent digital content.

Dahil tumanggi si Filip sa imbitasyon, maaari ring talakayin ng komite ang umiiral na mga patakaran at posibleng safeguards para sa foreign-based online platforms na naa-access ng mga bata, matapos sabihin ni Hontiveros na sisiyasatin ng imbestigasyon ang online environments na maaaring naglantad sa mga menor de edad sa karahasan.