Senate impeachment court pormal na tinapos pre-trial conference

140 Views

PORMAL na tinapos ng Senate Impeachment Court ang pre-trial conference para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte noong Huwebes, Hunyo 25, matapos makumpleto ang proceedings sa loob ng limang araw.

Pinasalamatan ni Senate Secretary Renato N. Bantug Jr., concurrent clerk of court ng impeachment court, ang prosecution at defense panels sa kanilang kooperasyon, na aniya ay nakatulong upang matapos ang pre-trial stage sa panahong itinakda ng court.

Pinangunahan ni Batangas Rep. Gerville Luistro ang House prosecution panel, habang si Atty. Shiela Sison naman ang nanguna sa defense team ni Duterte.

Saklaw ng pre-trial conference ang paghahanda para sa impeachment trial, kabilang ang paghawak at pagmamarka ng mga dokumento ng magkabilang panig. Sa naunang update ng Senado, pinalawig ang proceedings mula alas-9 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi upang matugunan ang dami ng ebidensya.

Nauna nang sinabi ni Bantug na bumilis ang document marking matapos magtalaga ng karagdagang team para tumulong sa gawain. Sinabi rin niya noon na ang Biyernes, Hunyo 26, ang “worst-case scenario” para sa pagkumpleto nito, habang maaaring gamitin ang Sabado, Hunyo 27, para sa housekeeping at court management matters.

Matapos makumpleto ang pre-trial conference, inaasahang ihahanda ng impeachment court ang pre-trial order, na maglalatag ng mga usaping tinalakay sa pre-trial at magsisilbing gabay sa pagdaraos ng trial proper.

Nauna nang itinakda sa impeachment calendar ang Hunyo 25 para sa paglalabas ng naturang order, ngunit tumagal ang document-marking process dahil sa dami ng ebidensyang isinumite ng magkabilang panig.

Ang pagtatapos ng pre-trial conference ay isa pang procedural step bago ang impeachment trial, na ayon sa naunang updates ng Senado ay nakatakdang magsimula sa July 6.

Hindi pinagpapasyahan sa pre-trial phase ang merito ng impeachment case kundi inihahanda nito ang proceedings para sa trial proper sa harap ng Senado na nakaupo bilang impeachment court.