Calendar
School mental health law implementation pinabibilis
HINIMOK ni Senate President Sherwin Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na pabilisin ang pagpapatupad ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act sa pamamagitan ng mas mabilis na pagkuha ng school counselor associates sa mga pampublikong paaralan.
Sa ilalim ng 2026 national budget, P2 bilyon ang inilaan para sa pagkuha ng 10,000 School Counselor Associates I.
Bahagi ang mga posisyon ng Republic Act No. 12080, na nagmamandato ng School-Based Mental Health Program upang itaguyod ang mental health at kapakanan ng mga mag-aaral.
Lumikha ang batas ng mga posisyong School Counselor Associate upang makatulong na tugunan ang kakulangan ng guidance counselors sa mga pampublikong paaralan.
“Naglaan tayo ng pondo para sa pagkuha ng mga School Counselor Associate upang gabayan ang mga mag-aaral sa paghubog ng mabuting asal at matiyak ang kanilang maayos na kalagayang pangkaisipan at emosyonal,” sabi ni Gatchalian.
Para maging kwalipikado bilang School Counselor Associate, kailangang may bachelor’s degree in Guidance and Counseling o Psychology o anumang bachelor’s degree ang aplikante na may hindi bababa sa 18 units sa alinman sa dalawang larangan.
Maaari ring maging kwalipikado ang mga nagtapos sa related degree programs kung nakatapos sila ng hindi bababa sa 18 units ng Behavioral Science, kabilang ang 200 oras ng supervised practicum o internship sa guidance and counseling, lalo na sa paaralan o komunidad.
Layunin ng pagkuha ng school counselor associates na magabayan ang mga mag-aaral at masuportahan ang kanilang kalagayang pangkaisipan at emosyonal, sabi ng senador.
