Calendar
Kaligtasan ng mga OFW sa ME prayoridad ng gov’t agencies
PINAG-AARALAN na ng mga ahensya ng gobyerno kung paano matutulungan ang mga Overseas Filipino Workers o OFWs na naipit sa digmaan sa Middle East.
Ayon kay Department of National Defense o DND secretary at National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) Chairperson Gilberto Teodoro Jr., nakipag-ugnayan na siya sa Department of Migrant Workers (DMW) at Deaprtment of Foreign Affairs (DFA) kung paano matutulungan ang ating mga kababayan.
Sa ngayon aniya ay prayoridad nilang alamin ang kalagayan ng mga OFWs at tiyaking ligtas ang mga ito sa gitna ng kaguluhan habang hinihintay ang oras na sila ay maaari nang bumalik sa bansa.
Tiniyak din ni Teodoro na walang batayan ang pangambang maaaring madamay ang bansa sa lumalalang tensyon sa pagitan ng Amerika at Iran.
“Unfounded ” o walang sapat na basehan aniya ang naturang pangamba dahil magkaiba ang sitwasyon sa Gitnang Silangan at sa Pilipinas.
Paliwanag ni Teodoro, ang mga bilateral at multilateral na alyansa ng bansa ay para lamang sa depensa at pagpigil sa anumang banta.
Aniya, walang batayan ang pangambang maaaring madamay ang Pilipinas sa lumalalang tensyon sa pagitan ng United States at Iran.
Giit ng kalihim, matagal nang dapat pinalakas ang ugnayang panseguridad ng bansa at ito aniya ay naantala dahil sa “paurong-sulong” na polisiya ng mga nagdaang administrasyon.
Lumakas ang tensyon sa Gitnang Silangan matapos magsagawa ng joint military operation ang US at Israel sa Iran, na sinundan ng pagpapakawala ng Tehran ng mga ballistic missile at drone sa ilang lugar sa Persian Gulf at karatig-bansa.

