Tulfo

Panawagan mula Senado sa mga ospital: Huwag puro kita atupagin, habag din pairalin

119 Views

NANAWAGAN si Senator Erwin Tulfo sa Department of Health na repasuhin ang mga polisiya sa paniningil ng mga ospital at tiyaking naipapatupad at nasusunod nang maayos ang mga umiiral na batas pangkalusugan, matapos niyang banggitin ang isang billing notice kaugnay ng beteranang aktres na si Odette Khan at ang hiwalay na mga reklamong sinabi niyang natanggap ng kanyang tanggapan tungkol sa umano’y mga gawain sa isang ospital sa probinsya.

Sa isang usapin ng personal at collective privilege, sinabi ni Tulfo na ang isyu ay “is not merely about an unpaid hospital bill. It is about dignity. It is about compassion. And above all, it is about the moral obligation of our institutions, especially those tasked with preserving life, to uphold humanity in the face of vulnerability.”

Ayon kay Tulfo, naisugod si Khan sa emergency room noong February 21 at sumailalim sa mga procedure sa mga sumunod na araw. Sinabi niyang nakatanggap ang kanyang opisina ng sulat mula sa pamilya nito at hanggang February 24, 2026, “her hospital bill has reached P156,756.23 centavos based on the running bill issued by the Credit and Collections Section.”

Binanggit din ni Tulfo ang isang dokumentong nagsasaad na kung hindi maa-update ang account sa itinakdang panahon, “all credit privileges will be immediately suspended except for life support,” at mananatiling suspendido hanggang masunod ang requirements.

Sinabi rin niya na may iba pang pasyenteng nagbahagi ng kahalintulad na mga alalahanin matapos maranasan ang aniya’y kaparehong sitwasyon, at nagbabala siyang maaaring mabigatan ang mga pamilya dahil sa “confusing hospital procedures” sa oras ng emergency.

Hiwalay dito, sinabi ni Tulfo na nakatanggap ang kanyang opisina ng “serious allegations” na kinasasangkutan ng Ipil Doctors’ Hospital sa Zamboanga Sibugay, kabilang ang mga claim ng “troubling practices particularly in the retention of IV fluids or suero if unable to pay,” at mga alegasyon ng paglobo ng singil.

“Mr. President, my dear colleagues, we are talking about access to care, dignity, and basic compassion,” ani Tulfo, habang kinikilala ang financial constraints ng mga ospital ngunit iginigiit na “there must be a higher standard when it comes to medical institutions.” Dagdag niya, “The mandate of public health care is not profit, Mr. President, it is service.”

Tinukoy ni Tulfo ang Republic Act No. 11223 o Universal Health Care Act, Republic Act No. 8344 hinggil sa emergency medical treatment, at Republic Act No. 9439 o Anti-Hospital Detention Law, bago niya kwestiyunin kung bakit nananatili ang kalituhan at pangamba ng mga pasyente at pamilya sa loob ng mga pasilidad medikal. “This is not about special treatment, Mr. President. This is about just treatment for every Filipino, rich or poor,” sabi niya, kasabay ng panawagang tiyaking maayos na naipapatupad at nasusunod ang mga batas pangkalusugan.

Sumuporta si Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri sa panawagan, at ikinuwento ang mga reklamong sinabi niyang naririnig niya sa mga probinsya, kabilang ang mga kasong nahirapan umano ang ilang pamilya na mailabas ang labi ng namatay dahil sa hindi nabayarang gastusin. Binanggit niyang may mga opsyon ang nakakahingi ng tulong sa mga opisyal na hindi basta naaabot ng karaniwang mamamayan, at sinabi, “Imagine, buti may access po sila sa isang senador. Paano naman kung wala silang access kay mayor, kay konsehal. Pangkaraniwang tao lang po sila.”

Sinabi naman ni Senator Risa Hontiveros na nasa second reading na ang anti-hospital detention bill para sa interpellation sa susunod na linggo, at binanggit din niya ang isang panukalang universal healthcare medical assistance program bill na layong suportahan ang health financing at mabawasan ang out-of-pocket expenses. Kalaunan, ini-refer ng Senado ang privilege speech ni Tulfo sa Committee on Health.

“Huwag puro kita ang atupagin, habag din po ay ipairalin!”