Sandro1 House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos

KAMARA APRUB SA 2ND READING POWER KAY PBBM NA ISUSPEND EXCISE TAX

130 Views

INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes nitong Miyerkules sa second reading ang panukalang batas na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na pansamantalang suspendihin o bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo kapag may pambihirang sitwasyon na nagdudulot ng biglaang pagtaas ng presyo ng langis na nakakaapekto sa transportasyon, pagkain at gastusin ng mga pamilya.

Ayon kay House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, isa sa mga may-akda ng panukala kasama si Speaker Faustino “Bojie” Dy III, idinisenyo ang panukala para sa mga pagkakataong ang pandaigdigang krisis ay biglang nagtutulak pataas ng presyo ng langis at kinakailangan ng mga pamilyang Pilipino ang agarang aksyon ng gobyerno.

“This bill gives the President a measured tool to cushion that shock, with clear triggers, clear limits and clear reporting when the prices of fuel and basic commodities get too high. Proteksyon ito sa mga mamamayan sa biglaang pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin,” sinabi ni Marcos.

Ang panukala, na aprubado sa ilalim ng House Bill (HB) No. 8418 o “An Act authorizing the President to suspend or reduce excise taxes on petroleum products during national or global economic emergencies, amending for the purpose the National Internal Revenue Code of 1997, as amended under Committee Report No. 147,” ay inamyendahan ang Section 148 ng National Internal Revenue Code para ang Pangulo ay maaaring magsuspende o magbawas sa fuel excise taxes, sa ilalim ng istriktong mga kondisyon at time limits, para maibsan ang pasanin ng publiko at hindi kailangang mag-antay ng buwan para sa bagong batas habang nasa kasagsagan ng krisis.

Itinulak nina Marcos at Dy ang panukala bilang paghahanda ng pamahalaan sa mga posibleng pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng mga pangyayari sa ibang bansa, gaya ng conflict-driven disruptions sa suplay ng langis, na nagdudulot ng mas mataas na presyo sa lokal na merkado at pagtaas ng halaga ng basic commodities.

Sa plenaryong talakayan, ipinaliwanag ni Marikina Rep. Miro Quimbo, chair ng House committee on ways and means, na hindi open-ended ang kapangyarihang ibinibigay sa Pangulo at may sapat na pananggalang upang maprotektahan ang mga konsumer at ang katatagan ng pananalapi ng pamahalaan.

Sa ilalim ng panukala, maaari lamang gamitin ng Pangulo ang kapangyarihan kapag may rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee at koordinasyon sa Kalihim ng Enerhiya, at kung matugunan ang isa sa dalawang kondisyon.

Ang unang trigger ay kapag ang presyo ng Dubai crude oil, base sa Mean of Platts Singapore, ay umabot o lumampas sa $80 kada bariles sa loob ng isang buwan bago ilabas ang kautusan para suspendihin o bawasan.

Ikalawa, kapag may idineklarang pambansang emergency o kalamidad na nagdulot ng hindi pangkaraniwang pagtaas ng lokal na presyo ng langis, na kailangang patunayan ng Kalihim ng Enerhiya, bilang pormal na basehan sa aksyon sa hindi ordinaryong paggalaw ng merkado.

Maaaring ilapat ng Pangulo ang suspensyon o bawas buwis sa piling produktong petrolyo, at maaaring buong suspensyon o bahagya lamang na pagbawas, depende sa tindi ng sitwasyon at lawak ng tulong na kinakailangan.

Upang maiwasan ang pang-aabuso at maprotektahan ang kita ng gobyerno, nililimitahan ang bisa ng bawat suspensyon o bawas sa hanggang anim na buwan, at hindi lalampas sa isang taon sa kabuuan, maliban kung pahabain o tapusin ng Kongreso sa pamamagitan ng joint resolution.

Sa ilalim ng panukala, ang suspensyon o pagbawas ay ititigil kapag wala na ang mga pambihirang kundisyon, at awtomatikong ibabalik ang excise tax rates nang walang karagdagang aksyon na kailangan mula sa gobyerno.

Para sa transparency, kinakailangang mag-ulat ang Pangulo sa Kongreso — sa pamamagitan ng Kalihim ng Finance — sa loob ng 15 araw mula sa issuance ng order at kada buwan, tungkol sa batayan ng aksyon, mawawalang kita ng gobyerno, at epekto nito sa inflation, presyo ng petrolyo at sa ekonomiya.

Inaatasan din ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno – ang Department of Finance; Department of Budget and Management; Department of Economy, Planning, and Development; Department of Energy; at Bangko Sentral ng Pilipinas, sa koordinasyon ng Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs – na maglabas ng implementing rules sa loob ng 15 araw upang matiyak ang malinaw at pare-parehong pagpapatupad.

Ayon kay Marcos, mabilis na isinulong ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Dy ang panukala upang masigurong handa ang pamahalaan sa mga biglaang krisis na agad nararamdaman ng mga mamamayan sa presyo ng gasolina, bilihin at pang-araw-araw na biyahe.

“Under Speaker Dy, we are moving with discipline and urgency because the costs that hit families do not wait for politics. Ang trabaho natin is to keep options ready, act when the triggers are met and make sure relief reaches people without delay,” ani Marcos.

Ang mga co-author ng panukala ay sina Reps. Jefferson Khonghun, David “Jay-Jay” Suarez, Janette Garin, Kristine Singson-Meehan, Allan Ty, Claudine Diana Bautista-Lim, Salvador Pleyto, Jesus “Bong” Suntay, Ferdinand Martin G. Romualdez, Yedda Marie Romualdez, Andrew Julian Romualdez, Jude Acidre, Ryan Recto, Howard Guintu, Eduardo “Bro. Eddie” Villanueva, Lordan Suan, Adrian Salceda, Julienne “Jam” Baronda, Tobias “Toby” Tiangco, Eric Go Yap, Rufus Rodriguez, Stephen James Tan, Gerardo “Gerryboy” Espina Jr., Zaldy Villa, Ernesto Dionisio Jr., Rolando Valeriano, Joel Chua, Maria Cristina Angeles, Ramon Rodrigo Gutierrez, James “Jojo” Ang Jr. at Sergio Dagooc.