Calendar
Tinalakay ni Sen. Francis Pangilinan, chairman on the Senate Committee on Justice and Human Rights, ang pagdinig sa Senate Bills 279, 296, 755, 927, 1165, 1228, 1791 at 1867 sa ginawang pagdinig sa Senado nitong Marso 11, 2026. Makikita sa larawan si Immigration Commissioner Joel Anthony Viado. (nakaupo, pangalawa mula kanan). Ang tinalakay na Senate Bills ay sama-samang kilala bilang iminungkahing Bureau of Immigration Modernization Act. Tinalakay din ang Senate Bill 1547, na naglalayong lumikha ng isang pinagsamang komisyon ng Kongreso para sa reporma ng sistema ng hustisya. JOSEPH MUEGO
Pagpasa ng SB 1547 isinusulong ni Sen. Kiko
ITINULAK ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan noong Miyerkules ang pagpasa ng Senate Bill No. 1547 na naglalayong lumikha ng Joint Congressional Commission on Justice System Reform, kasabay ng pagsabing ipinapakita ng mabagal na takbo ng hustisya sa bansa ang pangangailangan ng mga repormang institusyonal.
Sa pagdinig ng Committee on Justice and Human Rights noong March 11, 2026, tinukoy ni Pangilinan ang 2004 Fertilizer Scam case na aniya ay inabot ng 21 taon bago humantong sa conviction sa Sandiganbayan.
Binanggit din niya ang 2025 World Justice Project Rule of Law Index kung saan nasa ika-97 puwesto ang Pilipinas mula sa 143 bansa sa buong mundo at ika-13 mula sa 15 sa East Asia and the Pacific, kabilang sa may mahihinang marka sa civil at criminal justice.
“We believe that a Joint Congressional Commission on Justice Reform is necessary. A commission that listens to data and the voice of the people, that studies our courts, prosecutors, jails, and police — not to point fingers, but to fix what is broken,” ani Pangilinan.
Layunin ng panukalang batas na bumuo ng isang congressional body na susuri sa mga suliranin sa justice system at magrerekomenda ng mga reporma.
Ang Senate Bill No. 1547 na inihain ni Pangilinan ay may titulong Joint Congressional Commission on Justice System Reform Act of 2025.

