Martin2

Kamara inaprubahan na pagbibigay ng ayuda para sa nakasuhang OFW

198 Views

INAPRUBAHAN na ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na magpapalawig sa tulong na naibibigay ng gobyerno sa mga overseas Filipino worker (OFWs) na nangangailangan ng legal assistance.

Pinaboran ng 246 kongresista ang House Bill 9035 na naglalayong paramihan ang mga OFW na nakikinabang sa Legal Assistance Fund (LAF) at sa Agarang Kalinga at Saklolo Para sa mga OFWs na Nangangailangan (AKSYON) Fund.

Sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na bilang mga bayani ng modernong panahon dahil sa kanilang kontribusyon sa bansa makatwiran lamang na sila ay tulungan ng gobyerno.

“Hindi dapat pabayaan ang mga OFW na malaki ang ambag sa bansa sa kanilang ginagawang pagsasakripisyo,” sabi ni Speaker Romualdez.

Sa pamamagitan umano ng panukala, sinabi ni Romualdez na matutulungan ng mga OFW sa lahat ng yugto ng kaso mula sa imbestigasyon hanggang sa matapos ito.

Aamyendahan ng HB 9035 ang Republic Act (RA) No. 8042, o ang “Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995.”

Sa kasalukuyan ang LAF at AKYSON Fund ay maaari lamang gamitin na pambayad sa mga dayuhang abugado na kinuha upang tulungan ang OFW, paghahain ng kaso laban sa mga abusadong employer, pagpipiyansa, at iba pang gastos sa paglilitis.