Calendar
Kamara nanindigan na MIF dumaan sa legal na proseso
NANINDIGAN ang Kamara de Representantes na nasunod ang proseso ng lehislatura sa pag-apruba ng panukala na naging Maharlika Investment Fund Act of 2023 o ang Republic Act (RA) No. 11954.
Sa isang pahayag na inilabas ng tanggapan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, sinabi nito na kinikilala ng Kamara ang demokratikong proseso at ang karapatan ng bawat indibidwal na gumamit ng legal na pamamaraan para sa kanilang nais na kuwestyunin.
“We respect the democratic process and the right of every individual to seek legal redress. The House of Representatives, under my leadership, has always prioritized the observance of legislative procedures and adherence to the Constitution,” ayon sa pahayag.
Ayon sa Kamara, ang kanilang intensyon ng aprubahan ang Maharlika Investment Fund Act ay maisulong ang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa, matugunan ang kahirapan at makalikha ng oportunidad sa mga Pilipino na makapagtrabaho.
Ipinunto ng Kamara na pangkaraniwan lamang na nababago ang mga panukala sa pagdaan nito sa proseso at ginagawa umano nila ito alinsunod sa Konstitusyon at itinakdang alituntunin.
“We trust the wisdom of the Supreme Court to evaluate the merits of the petition and to arrive at a just and fair decision. We are prepared to cooperate fully with the Court and to provide any necessary clarifications,” ayon sa pahayag.
Iginiit din ng Kamara ang kahalagahan na ituon ang atensyon sa mga bagay na makakatulong sa mga Pilipino.
“In these times, it is more crucial than ever that we focus on what will uplift and benefit the Filipino people. Let us keep the best interests of our nation at heart,” sabi pa sa pahayag.