Record

Kamara pina-subpoena SEC chief para sa record ng kumpanyang may link sa Dutertes

168 Views

RecordNAGLABAS ang House committee on justice ng subpoena na nag-uutos kay Securities and Exchange Commission (SEC) Chairperson Francis Edralin Lim na humarap sa komite at magsumite ng mga rekord ng korporasyon na may kaugnayan sa mga entidad na iniuugnay kay Vice President Sara Duterte at sa asawa nitong si Manases Carpio.

Ang subpoena, na inilabas kaugnay ng mga reklamo sa impeachment laban kay Duterte, ay nag-uutos kay Lim na dumalo sa pagdinig ng komite sa Abril 14, alas-10 ng umaga sa House of Representatives.

“You are hereby directed to appear before the Committee on Justice on April 14, 2026, 10:00 A.M., at the 2nd Floor of the People Center, House of Representatives, and to submit the following documents,” nakasaad sa order.

Inaatasan ng komite ang pagsusumite ng “certified true copies of the General Information Sheet and Audited Financial statements” ng ilang kompanyang sinasabing may kaugnayan kina Duterte at Carpio.

Kabilang sa mga nakalistang entidad ang Metro City Chow Foods Corp., Gencorp Industries Inc., Carpio Lawyers, 888 Bistro, at CALE88 Foods Corp., gayundin ang Madayaw Fisheries Corp., Mati City Ice Plant and Cold Storage Inc., Amianan Shores Inc., Geometry Security and Investigation Agency Inc., at Cabletow 88 Shipping and Marine Services Inc.

Nakasaad sa subpoena na hinihingi ang mga dokumento upang matukoy at ma-authenticate ang mga General Information Sheet at Annual Financial Statements ng mga kumpanyang may kaugnayan kay Vice President Duterte at sa asawa nito, at upang mapagtibay ang pagiging tunay at kawastuhan ng mga naturang rekord ng korporasyon, gayundin upang magbigay ng patotoo kaugnay nito.

Ang subpoena ay inilabas sa ilalim ng awtoridad ng House committee on justice at nilagdaan sa Quezon City noong Marso 31 ng chairperson na si Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro at ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, kasama ang Secretary General na si Atty. Cheloy L. Velicaria-Garafil.

Ang hakbang na ito ay itinuturing na mahalagang yugto sa proseso ng pangangalap ng ebidensiya ng komite habang papalapit ito sa pagtukoy kung may sapat na batayan upang iakyat ang kaso ng impeachment sa Senado para sa paglilitis.